HINDI pinalagpas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panawagang magbitiw si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang paghikayat sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na bawiin ang suporta sa lehitimong gobyerno, na inilabas sa United People’s Initiative (UPI) rally nitong Lunes sa People Power Monument sa Quezon City. Ayon sa ahensya, ang ilan sa mga pahayag sa rally ay “close to inciting sedition” at walang puwang sa isang civil society.
Nilinaw ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang kalayaan sa pagpapahayag ay may kaakibat na pananagutan. “So calling an act of sedition is not curtailing. It’s dangerous to the state, kaya ang mga ganyang pahayag, every citizen is accorded the right to free speech but they must have a corresponding responsibility to behave in all civility,” aniya.
Isa sa mga nagbigay ng pahayag sa rally ay si Jeffrey “Ka Eric” Celiz ng Sonshine Media Network International, na nanawagan sa Pangulo na magbitiw at sa AFP na bawiin ang suporta sa Presidente, binanggit ang precedent ng 2001 EDSA revolt laban kay dating Pangulong Joseph Estrada. “Yung mga ganyang klaseng salita has no place in a civil society. We will go for truth, accountability, and justice, and we go through due process kung sinuman ang kailangan hatulan dito,” dagdag ni Remulla.
Ayon kay Celiz, legal at lehitimo ang anomang hakbang ng AFP dahil ang hukbong sandatahan ay “protektor ng estado at ng mamamayan,” hindi ng isang opisyal. Kasabay nito, mag-iimbestiga rin ang Quezon City Police District upang tukuyin kung may elemento ng sedisyon sa naganap na protesta.
Ginawa ang rally ng UPI sa People Power Monument kasabay ng tatlong araw na pagtitipon ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Luneta Park, na nanawagan ng transparency at accountability sa pamahalaan.
(JESSE RUIZ)
109
