HINDI sineryoso kundi pinagtawanan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panawagan ni Dasmarinas Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa lahat ng institusyon na mag-withdraw na ng suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Nakakawalang gana naman ang mga tanong natin,” ang natatawang pahayag ni House deputy Speaker Ronaldo “Ronnie” Puno matapos kunan ng pahayag kaugnay ng panawagan ni Barzaga kasunod ng isiniwalat ni dating congressman Zaldy Co na tumanggap umano ng P25 billion komisyon sina Marcos at House Speaker Martin Romualdez mula sa P100 billion na ipinasingit sa 2025 national budget.
Naghalakhakan din ang mga kasama ni Puno sa press conference kahapon tulad ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kung saan ipinasa sa Antipolo solon ang pagsagot sa tanong.
“Si Barzaga na naman. Huwag na siguro (sagutin) pusa ‘yun eh. Di ba, wag na lang natin pansinin ang tanong na ganun kasi…sus marya naman oh. Ang daming seryosong pwedeng pagkuhanan ng mga tanong bakit sa kanya pa?,” ani Puno.
Hindi lingid sa lahat na kinasuhan ng National Unity Party (NUP) si Barzaga sa House ethics and privileges committee dahil sa mga inaasta nito na hindi umano naaayon bilang miyembro ng kapulungan.
Dating miyembro ng NUP si Barzaga subalit hindi nagustuhan ng kanyang mga kapartido ang inaasta nito, hindi lamang sa social media kundi maging sa plenaryo ng Kamara.
“Anyway yan si Barzaga pag-uusapan ng Ethics committee yan next week. Doon na lang siya magpaliwanag. Ulit na niya siguro ang gusto niyang mangyari,” ayon pa kay Puno.
Dumalo sa ikalawang araw ng anti-corruption protest sa EDSA Shrine kahapon si Barzaga kung saan nanawagan ito sa lahat ng institusyon na talikuran na si Marcos dahil sa mga alegasyon ni Co laban sa kanya.
“All government agencies, all institution, all Filipinos must withdraw their support to President Marcos,” panawagan ni Barzaga.
(BERNARD TAGUINOD)
120
