INC RALLY INAKUSAHANG DESTABILIZATION VS GOV’T?

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

WALA sa bokabularyo ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) na ang tatlong araw na kilos-protesta ng mga kapatiran sa Quirino Grandstand sa Luneta sa Maynila, ay isang uri ng destabilisasyon laban sa pamahalaan.

Kung pagbabasehan natin ang inihayag ni Bro. Edwil Zabala, tagapagsalita ng INC, may nag-aakusa na ang kanilang tatlong araw (Nob. 16, 17 at 18) na kilos-protesta ay isang uri ng planong pagpapabagsak sa pamahalaan.

Ayon kay Bro. Edwin, ang layunin ng INC ay kondenahin ang malawakang korupsyon, maging bukas sa publiko ang lahat ng isinasagawang imbestigasyon, at papanagutin o ikulong ang mga kurakot na opisyal ng pamahalaan.

Ni walang makikitang dalang placard ang mga kapatiran na pinangalanan at nanawagan ng pagbibitiw ng mga opisyal ng pamahalaan na isinasangkot sa maanomalyang korupsyon sa flood control projects.

Bilang mga Pilipino, ang INC ay nakikiisa rin sa panawagan na may managot sa mga nagnakaw sa kaban ng bayan at maibalik ang pera ng bayan at maparusahan ang mga nagkasala.

Nais lamang ng INC ng kaayusan sa pamahalaan para maibalik ang tiwala ng taumbayan sa mga namumuno nito.

Para maibalik ang tiwala ng mga Pilipino, kailangang lahat ng ginagawang imbestigasyon ng pamahalaan ay bukas at nalalaman ng publiko, ayaw nating lahat na bulag tayo sa mga nangyayari sa ating bayan.

Iisa lang ang ating bansang Pilipinas, walang ibang magmamahal sa Inang Bayan kundi ang mga Pilipino.

Dahil kinukondena sa INC rally ang korupsyon na nangyayari ngayon, ay pinalalabas na destabilisasyon na ito laban sa pamahalaan.

Ganun na ba kasama ang mga pag-iisip ng iba? Inihahayag natin ang ating mga karapatan ay bubuweltahan tayo ng masamang salita?

Maraming mga Pilipino ang naghihirap ngayon dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, unti-unti na ring bumabagsak ang ating ekonomiya sapagkat nawalan na ng tiwala ang mga dayuhang mamumuhunan na pumasok sa Pilipinas, na epekto ng kawalan ng tiwala dahil baka masayang lang ang kanilang puhunan kapag nagtayo sila ng negosyo sa bansa dahil malalang korupsyon.

Ngayon, gagawan nila ng isyu ang mga gumagawa ng panawagan na kondenahin at magkaroon ng pananagutan ang mga magnanakaw.

Ito ay malinaw na paglilihis para pagtakpan ang tunay na may kasalanan at isisi na lamang sa mas mababang katungkulan at sa mga kontratista na mas maliit ang nakulimbat kung ikukumpara sa mga mambabatas.

Batay sa nakaraang mga imbestigasyon, nasa 6% lamang ang napupunta sa mga engineer ng Department of Public and Highways (DPWH) at 10% hanggang 15% lamang ang napupunta sa mga kontratista, samantalang ang mga mambabatas ay nasa 25% hanggang 30% ang kickbacks sa mga proyekto na ipinatutupad ng DPWH.

Malinaw kung sino ang mga utak, ang mas malaki ang nakukuhang komisyon mula sa mga maanomalyang proyekto ng DPWH.

Sinindikato ng mga taong ito ang pamahalaan, sila-sila lang ang naghati-hati sa trilyong pisong pondo ng gobyerno na hanggang sa ngayon ay wala pa rin napapanagot.

Tapos sasabihin nila na ang ginagawang rally ng INC ay bahagi ng destabilisasyon laban sa pamahalaan? Ilabas ang katotohanan, parusahan ang nagkasala at ibalik ang kanilang mga ninakaw na pera ng bayan.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

107

Related posts

Leave a Comment