ZALDY CO NILILITO PILIPINO — SPEAKER DY

INAKUSAHAN ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ng lalo pang paglikha ng kalituhan sa publiko matapos maglabas ng video message tungkol sa umano’y P100 bilyong insertion sa 2025 national budget na ibinibintang niya kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa naturang video, sinabi ni Co na nagpasok umano ang Pangulo ng P100 bilyong halaga ng proyekto at na ang 25% komisyon o katumbas ng P25 bilyon ay dinala umano sa bahay ng Pangulo, kay dating House Speaker Martin Romualdez sa Forbes Park, at maging sa Malacañang.

Ayon kay Dy, imbes na makatulong sa paglilinaw sa mga isyu ng katiwalian lalo na sa flood control projects, mas nagdulot ng pagkalito ang pahayag ni Co.

Sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan bilang speaker, sinabi ni Dy na nanindigan siyang linisin ang pamahalaan mula sa katiwalian upang maibalik ang tiwala ng publiko.

“Naniniwala ako na hindi mabubuo ang tiwala ng taumbayan kung walang tunay na pananagutan—hindi para sa pulitika, kundi para sa kapakanan ng bawat Pilipino,” aniya.

Dahil dito, ipinakansela umano ni Dy ang travel authority ni Co upang makauwi ito at harapin ang mga paratang. Nang hindi ito sumunod, nakipag-ugnayan aniya siya sa Department of Justice (DOJ) at Department of Foreign Affairs (DFA) para sa pagkansela ng pasaporte ni Co, na patuloy pa ring nasa ibang bansa.

Sinabi ni Dy na hindi sapat ang video ni Co dahil kapag mabigat ang paratang, dapat mas mabigat din umano ang paninindigan nito kaya kailangan niyang humarap, manumpa, at magharap ng ebidensya sa mga awtoridad tulad ng ICI.

Tiniyak ni Dy na bibigyan ng proteksyon si Co kung kailangan nito basta umuwi ito at personal na mabigay na testimonya lalo na’t unang sinabi ng dating mambabatas na nanganganib ang buhay niya kapag siya ay umuwi.

“Sa ating mga kababayan: nauunawaan ko ang pangamba at pagod na dulot ng magulong impormasyon. Naiintindihan namin kayo. Ang hinihingi lamang ninyo ay katotohanan—at iyon din ang hinihingi namin. Kaya ito po ang aking panawagan kay dating Rep. Co: Umuwi po kayo at harapin ninyo ang taumbayan,” mensahe pa ni Dy.

(BERNARD TAGUINOD)

112

Related posts

Leave a Comment