ZALDY CO KASAMA SA 1ST BATCH NA KINASUHAN NG KATIWALIAN SA SANDIGANBAYAN

GUMANA na ang resbak ng pamahalaan laban kay dating congressman Ako-Bicol Partylist Elizaldy “Zaldy” Co matapos isampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang patung-patong na kaso kaugnay ng flood control scam sa Oriental Mindoro.

Makaraan ang dalawang buwang imbestigasyon, pagkalap ng ebidensya at testimonya, inanunsyo ng Ombudsman ang resolusyong nagpapahintulot na magsampa ng kasong kriminal laban kay Co at iba pang sangkot sa kontrobersya.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico F. Clavano, sinampahan nila ng kasong kriminal sina Co, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways Region IV-B, at pati ang board of directors ng Sunwest Corporation.

Kabilang sa mga isinampang kaso sa Sandiganbayan ang Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents at paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Isinampa rin ang hiwalay na kaso laban kay Co sa paglabag ng Section 3(b) ng RA 3019 dahil sa pagtanggap ng “unwarranted financial” o pecuniary benefits.

Kaugnay ito sa flood control project sa Road Dike ng Mag-Asawang Tubig River sa Naujan, Oriental Mindoro, na nagkakahalaga ng P289,498,230.06.

Ibinahagi ni Clavano na inirekomenda ng Ombudsman na huwag payagang makapagpiyansa si Co, batay sa malalimang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

(JULIET PACOT)

68

Related posts

Leave a Comment