84-KILO NG IMPORTED MEAT ITINURN-OVER NG BOC-NAIA SA BAI

IMPORTED MEAT

(Ni JOMAR OPERARIO)

Pormal nang itinurn-over ng Bureau of Customs Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA)  sa Bureau of Animal Industry (BAI)  ang 84-kilo ng imported meat na nasabat sa nasabing paliparan kamakailan.

Ayon sa ulat ng BOC-NAIA, ang nasabat na mga karne na nagmula sa bansang Japan ay wala umanong import permit kung kaya’t hindi ito ligtas sa African Swine Fever (ASF).

Ang pasaherong nagdala ng nabanggit na imported na karne ay wala umanong naipakitang kaukulang dokumento na magpapatunay na legal ang kanyang pagpasok ng nasabing karne sa bansa dahilan upang kum¬piskahin ito ng pamahalaan.

Nauna nang naghigpit ang Pilipinas sa pagpasok at paglabas ng mga karne partikular ang baboy matapos uminit ang isyu ukol sa ASF outbreak  na posibleng makakaapekto sa mga alagang hayop sa bansa.

Dahil dito, patuloy ang pagmo-monitor ng BOC-NAIA sa pamumuno ni District Collector Mimel Talusan sa lahat ng mga pumapasok sa bansa na imported na karne para mapigilan ang pagpasok ng mga kontaminado ng ASF.

Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 4,495 kgs karne at meat products ang nasabat ng BOC-NAIA mula Enero hanggang May 2019 na kanilang itinurn-over sa BAI para sa kaukulang disposisyon.

114

Related posts

Leave a Comment