RAPIDO ni PATRICK TULFO
MUKHANG mahihirapan ang Office of the Vice President na sanggain ang mga ebidensyang inilabas sa Senado ng auditor ng Commission on Audit (COA) sa pagdinig sa impeachment case kay VP Sara Duterte nitong Lunes (Aug. 3, 2026).
Sa pangunguna ng kilalang abogado at prosecution counsel na si Atty. Lorna Kapunan, iniharap bilang testigo si COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office state auditor Roderick Wamil na inilatag ang paggasta ng OVP sa P125 milyon sa loob ng 11 araw.
Wala raw dokumento o resibo ang mga pinaglaanan ng confidential funds kabilang na ang mga ibinigay sa mga nagngangalang Mary Grace Piattos, Pia Piattos, Andy Lim, Patty Ting, Mico Harina, Alejandro Pikit at Nova Santos.
Noong nakaraang taon, sinabi ng Philippine Statistic Authority (PSA) na walang record ang mga nasabing pangalan o naitalang anomang mga pangalan sa loob ng 25 taon.
Nag-object naman ang Defense counsel na si Atty. Michael Poa dahil sa tila nakatatawang pagbasa ni Atty. Kapunan sa mga nasabing pangalan ng mga nabigyan umano ng confidential funds.
Ayon kay dating COA auditor Wamil, wala umanong isinumiteng resibo ang OVP kung saang drug store binili ang mga naka-declare na gamot, hardware store na pinagbilhan ng mga lamesa at upuan, wala rin umanong papel na nagsasabing para saan ang reward money na kanilang ipinamigay kahit na ito man ay sinasabi nilang confidential.
Maaari lamang umanong hindi ideklara kung para saan gagamitin ang mga gamot at mga gamit na nabili galing sa confidential fund pero dapat ay isinumite ng OVP ang resibo ng pagkakabili ng mga ito bilang ebidensya kung saan napunta ang pondo.
Sa ngayon ay nasa kamay ng depensa kung paano nila lulusutan ang isyu ng mga kahi-hinalang pangalan na pinagbigyan ng confidential fund ng bise presidente. Dapat ay magharap ang mga ito ng matibay na ebidensya na pasisinungalingan ang sinabi ni Wamil.
Hindi porke confidential ay hindi dapat inilalabas ang tunay na pangalan ng mga pinagbigyan nito. Ito ay para lamang sa transparency ng OVP sa COA bilang katibayan na ito ay ginamit nang wasto.
Sa mga nakaraang taon, tanging si VP Sara lang ang may confidential funds sa mga nahalal na ikalawang pangulo ng bansa, kabilang dito sina dating VPs Leni Robredo at Jejomar Binay.
68 