NAKIKIPAG-UGNAYAN ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) PRO3 sa Cavite Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang pagkakakilanlan ng may-ari ng isang pulang Toyota Innova na sinakyan ng isang target ng buy-bust operation makaraang makipagpalitan ng putok sa mga operatiba sa parking area ng isang kilalang mall sa Bacoor City, Cavite noong Lunes ng hapon.
Ayon sa ulat, bandang alas-4:00 ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PDEA PRO3 sa pamumuno ni IA I Richard T. Saure, sa parking area ng isang mall ngunit nang mapansin ng mga suspek na sakay ng isang pulang Toyota Innova at puting Toyota Fortuner, ang kanilang pagdating ay biglang pinaharurot ang kanilang sasakyan palabas sa exit.
Tinangka silang pigilan ng mga operatiba sa pamamagitan ng pagpapaputok sa gulong ng kanilang sasakyan na nagresulta sa palitan ng putok ng magkabilang panig.
Gayunman nagawa pa ring makatakas ng mga suspek patungo sa direksyon ng Daang hari.
Ngunit inabandona ng mga suspek ang Toyota Innova sa kahabaan ng Cerritos Avenue, Brgy. Molino IV, Bacoor City, Cavite.
Narekober sa lugar ang Toyota Innova na may plakang CBJ 2329, kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA PRO3 para sa isinasagawang imbestigasyon at case build-up laban sa mga suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
58 