SENADO PINASOK NG MAGNANAKAW

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

NAPUKAW ang atensyon ng mga netizen sa nangyaring nakawan daw dyan sa Senado. Pero tila hindi naman sila seryoso lalo pa’t dinog-show nila ang pangyayari.

Bago ito, kinumpirma ng Pasay City Police na pinasok daw ng magnanakaw ang gusali. Ang malaking tanong ng bayan: Napasok na raw? Hindi ba matagal na?

Kung tutuusin, medyo late na nga sa balita ang mga pulis. Taon-taon na kayang pumapasok ang iba’t ibang klase ng magnanakaw dyan—may naka-barong, may naka-polo, at mayroon ding mahuhusay mag-budol tuwing budget season. Kaya naman medyo nakagugulat daw na nagulat pa ang mga otoridad na may nawalan ng gamit. Ang pinagkaiba lang siguro ngayon, literal na bakal at bakod ang nilagari, hindi kaban ng bayan.

Ayon sa ulat, tinangay ng mga kawatan ang isang flat-screen TV, dalawang HP printers, dalawang folding long tables, isang extension wire, tatlong pocket Wifi, isang stool, pati na alcohol at adhesive tape.

Aba, mukhang hindi lang simpleng mandurukot ang pumasok kundi may plano yatang magtayo ng sarili nilang legislative office sa kanto! Kumpleto sa printer at Wi-Fi para sa mabilisang trabaho, plus alcohol pa para sa safety protocols habang gumagawa ng krimen. Highly organized, ha?

May tsismis pa ngang may muntikan silang ilusot na gamit pero hindi kasya sa butas. Sa susunod, mga lods, bago kayo mangulimbat, pag-aralan ninyo muna ang structural blueprint ng gusali—o kaya mangopya na lang kayo sa mga propesyonal na mas magagaling magpalabas ng bilyon-bilyon nang hindi nahuhuli sa butas ng karayom.

Ang masaklap pa rito, nilagari raw ang bakal na perimeter fence para gawing entry at exit. Seryoso? Ang Senado ng Pilipinas, ang tinaguriang “Tahanan ng mga Batas,” ay napasok sa pamamagitan ng simpleng lagari? Kung ganyan kadaling lusutan ang seguridad ng isa sa pinakamahalagang institusyon sa bansa, hindi na nakapagtatakang pati ang tiwala ng publiko ay unti-unti ring nakalulusot palabas.

o0o

Painit nang painit ang isyu ng Pax Silica hub na gustong itayo ng Estados Unidos sa 4,000 acres o halos 1,619 ektaryang lupa sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Ito ay semiconductor hub, na iproproseso ang mga mineral at gumawa ng mga parte ng chip.

Layon nitong patatagin ang supply chain ng mga mineral, semiconductor, at imprastruktura para sa Artificial Intelligence (AI).

May natutuwa. Marami ang nababahala.

Dapat bang matuwa o mabahala? Nakatutuwa kung benepisyo ang hatid sa mga Pilipino, pero pangamba ang dulot kung ito ay perwisyo.

Opisyal na sumapi ang Pilipinas sa Pax Silica initiative noong Abril. Bilang kasapi, ano ang ambag ng bansa? Lupa at mineral?

Para sa mga nagsusulong ng proyekto, ito ay kailangan upang maging mataas o abanteng teknolohiya na ang bansa.

Ang Pax Silica ay lokal na bersyon daw ng Silicon Valley.

Marami ang hindi kumbinsido rito dahil sa kabila ng hatid na trabaho ay manganganib naman daw ang kalikasan at posibleng magkaroon ng kakapusan sa tubig ng mga komunidad, pagpapalipat ng tirahan sa mga residente, at estado ng supply ng kuryente.

Pero paniniguro ng Malakanyang, hindi aaprubahan ang anomang proyekto na walang water system sustainability.

Mukhang mahihirapang umusad ang programang ito dahil dumarami ang kontra. Siguro, kailangan ipakita at tiyakin muna na hindi ito makaaapekto sa pamumuhay ng mamamayan lalo na sa usapin ng tubig at kuryente.

Ang tunay na pag-unlad ay nasasalamin din sa proteksyon sa tao, kalikasan at kinabukasan ng bansa.

65

Related posts

Leave a Comment