ATIN ANG WPS, PERIOD!

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

UULIT-ULITIN ko dear readers, noon pang 19-forgotten ay South China Sea na ang tawag sa karagatang ito, na ngayon ay tinatawag nating West Philippine Sea (WPS).

Ewan, kung tama ba ang lohika ng mga nagsasabing sa China nga ang South China Sea (SCS) noon pang 19-forgotten, ito na ang tawag sa karagatang ito.

Panahon ni dating PNoy Aquino nang pangalanan itong West Philippine Sea na sakop ng Pilipinas.

Komo, SCS ang tawag, sa China nga ba ito tulad ng ginagawang pag-angkin nito – na ang malaking bahagi, ayon sa mapa, ay nasasakop ang WPS.

May portion sa Manila Bay na tinatawag na Bacoor Bay — na sumasakop sa coastal towns ng Kawit, Noveleta at Rosario, e kung susundan ang lohikang ito, “pag-aari” ng Bacoor ang municipal coastal water ng mga bayang ito at ano siyempre ang tamang sagot: Kahit pa tawaging Bacoor Bay iyon, ayon sa batas, coastal water iyon ng bayang kinaroroonan ng katubigang dagat na nasasakop ng kanilang hangganan o boundary sa lupa at dagat.

Malaking kabobohan din na sabihing “pag-aari” ng India ang Indian Ocean, at hindi papayag ang China, Russia at siguro, magwawala ang US, Canada at iba pang bansa na naglalayag sa karagatang ito.

Kaya, itigil na ‘yang ingay na sa China ang WPS o SCS, kasi sa atin nga ito at nasasakop pa ng ating exclusive economic zone (EEZ), ayon sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noog 2016.

Itong ating EEZ ay tinatanggap ng international community, at nakabatay sa international law.

Pero itong China, walang respeto, bastos kung ating dederetsahin ang salita, walang modo kung sa tao, kasi walang galang sa batas.

Kahit na sinasabi ng The Hague Court na atin ang WPS, panay ang pag-angkin ng China, at lagi tayong binabardagol, kung sa tao, nambabraso, nandadarag sa isang maliit na tao.

May aral sa Bibliya na ang mala-higanteng si Goliath ay tinalo ng batang si David, kaya sumampalataya lamang tayo sa katotohanang atin ang WPS, kahit mabigat ang laban, maipapanalo natin ito, hindi sa giyera kundi sa isip at simpatya ng buong mundo.

Naniniwala tayo, may natitira pang kahihiyan ang magagaling na lider ng Chinese politburo.

***

Alam naman natin kung bakit L na L ang China sa alindog ng WPS natin?

Iisa ang maiisip na itawag dito, sakim, ganid o mandarambong kung tao ang China, e kay lawak na ng lupa at dagat nito, at napakayaman sa maraming mineral, bakal, tanso, ginto at iba pang yamang dagat at yamang mina sa ibabaw at ilalim ng lupa, eto at ang kokonti na atin, inaagaw pa.

Kung sa tao na masiba, bundat na ang tiyan sa kalalamon, busalsal na ang nguso sa pagnguya, nang-aagaw pa ng butong isusubo ng katabing payat na bata.

Ang gahaman ay laging pakiramdam ay ninanakawan, at iyan ang ginagawa ng China, mantakin mong nasa loob na ng ating teritoryo, inaangkin pa ang nasa ating bibig na.

Iskwater ang China, sa totoo lang, at ang lakas ng loob na magtaboy sa ating mangingisda kasi kanila raw ang Ayungin Shoal at iba pang bahura natin,

“Seagrabber” at iskwater itong China na gusto pang dagdagan ang pitong (7) military and naval base na sakop ng ating WPS.

Kundi tayo nagpoprotesta at nagpapakita ng tapang, ay inakupo, baka matagal nang nagtayo ito ng base militar sa malapit sa Batanes para maging lunsaran ng pagsakop ng China sa Taiwan.

E bakit nga gigil na gigil, naglalaway sa kasibaan ang China sa pagkontrol sa WPS, at kita natin ang intensiyon nito, ito ay upang mas palawakin pa ang sakop at kontrol nito sa ating rehiyon sa dagat ng Asia-Pacific.

Nais ng China na kontrolin ang pagpasok at paglabas ng mga barkong komersyal at militar sa karagatang ginagamit sa kalakalan ng mga bansa sa buong South East Asia.

Kumbaga sa North Expressway, kailangan bago ka makapasok, magbayad ka ng toll fee o kung wala kang pambayad, no way, sa ibang ruta ka dumaan.

Kumbaga sa gripo, gusto ng China, siya ang may hawak at may kontrol kung kailan bubuksan ang suplay ng tubig, at kung gaano karami ang tubig na makukuha sa gripo.

Kung hawak ng China ang gripo, hawak niya ang buhay at kamatayan ng mga bansang tatanggi na magbayad ng suplay ng tubig.

Isa pang malaking dahilan kaya gahamang-gahaman ang China sa SCS o WPS, kasi sa ilalim ng karagatang ito, nakaimbak ang bilyon-bilyong bariles na mina ng langis at natural gas.

***

Isa pa, gusto ng China na palawakin ang kanilang fishing operation mula sa Pilipinas, tagos sa Taiwan at Vietnam kasi, mahigit sa 15 milyong tonelada ng isda ang kailangang anihin sa SCS upang mapakain ang mahigit sa 2 bilyong tao nito sa Mainland.

Hindi lang pagkaing mula sa karagatan ang nais ng China, nais nito na maging super naval power sa mundo — na imposibleng mangyari.

Hindi papayag ang Indonesia, Vietnam, Taiwan at Japan na kalapit sa South East Asia.

Lalo na ang US na ang paninindigan, kailangang bukas ang SCS sa international navigation o malayang paglalayag para sa pagpasok at paglabas ng mga barkong komersyal.

Hindi papayag ang US, Japan, Indonesia, Taiwan at Vietnam na kontrolin ng Beijing ang Dagat Pasipiko.

‘Di iginagalang ng bastos na China ang prinsipyo ng freedom of navigation sa lahat ng bansa sa mundo.

Hindi tayo papayag, dahil atin, hindi sa China ang West Philippine Sea!

Atin ang WPS!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

98

Related posts

Leave a Comment