DAPAT magawaran ng Guinness book of record award si dating Senate President Juan Ponce Enrile.
Ito ang iginiit ni Senate Majority Leader Juan Miguel Migz Zubiri sa kanyang eulogy sa necrological service sa Senado para kay Enrile.
Sinabi ni Zubiri na hanggang sa huling sandali ng buhay ni Enrile ay nagsilbi siya sa gobyerno kaya siya ang maituturing na oldest secretary.
Inilarawan ni dating Senador Richard Gordon si Enrile na may paninindigan, hindi umalis ng bansa, hindi nagpakita na naka-wheelchair at hindi nagtago kahit noong panahon na kaliwa’t kanan ang mga isyu laban sa kanya
Pinasalamatan naman ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang lahat ng naging kontribusyon ni Enrile sa kanyang pamamahala at maging sa tulong ng kanyang amang si dating Pangulong Diosdado Macapagal.
Inilarawan ni Arroyo si Enrile bilang most enduring public servant ng kanilang panahon na bagama’t intimidating minsan ay palagi anyang nirerespeto.
Ibinahagi naman ni Senador Erwin Tulfo ang kanilang pag-uusap isang buwan bago ang pagpanaw ni Enrile kung saan siya humingi ng payo kung paano maging epektibong mambabatas at magampanan ang kanyang mga responsibilidad at ito any nagsisilbi niyang source ng katatagan at direksyon sa panunungkulan.
Ikinuwento naman ni Senador Robin Padilla ang komunikasyon niya kay Enrile kaugnay sa kanyang mga panukala partikular sa pagsusulong niya ng mga reporma o pagbabago sa konstitusyon kaya naging resource person niya sa pagtalakay sa panukalang pagbabago sa saligang batas ang yumaong senador.
Tinawag niya si Enrile bilang naglalakad na library at isa sa mga taong hindi kailanman nangmaliit sa kanya.
Para naman kay Senador Jinggoy Estrada, si Manong Johnny ang isang kaibigang nagpatunay na totoo ang mga katagang walang iwanan dahil sa pagiging totoo at tapat na kaibigan.
Hindi naman malilimutan ni Senador JV Ejercito ang pagsisilbi noon ni Enrile sa kanila bilang ama sa mga panahong anya’y pinakamadilim na bahagi ng buhay ng kanilang pamilya.
Ikinuwento naman ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang pagiging mentor sa kanya ni Enrile sa panahon ng kanyang unang pagkandidato bilang senador at nang matalo anya si Manong Johnny ay ipinamana sa kanya ang magagaling nitong staff na hanggang ngayon ay nananatili sa kanya.
Iprinisinta rin ng Senado sa pangunguna ni Senate President Vicente Tito Sotto III ang inaprubahan nilang Senate Resolution No. 30 na nagpapahayag ng pagkilala sa dating mga naiambag ng dating senador sa bansa at taos-pusong pakikidalamhati sa pagpanaw ni Enrile.
Ayon kay Sotto, maaalala si Manong Johnny dahil sa kanyang talas ng isip at tapat na malasakit sa sambayanang Pilipino, lalo na sa mga empleyado ng Senado.
Bilang tugon, nagpasalamat ang anak ni Manong Johnny na si Ma. Katrina Ponce Enrile sa pagpapahalagang ibinigay ng lahat sa kanyang ama.
(Dang Samson-Garcia)
65
