NAGHAIN ng resolusyon si Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte para paimbestigahan sa Mababang Kapulungan ang mabibigat na alegasyon ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa House Resolution No. 448, binigyang-diin ni Duterte na seryoso ang paratang kaya’t hindi dapat balewalain at nararapat na busisiin ng Kongreso.
Sa video statement ni Co, iginiit niyang nagsingit siya ng P100 bilyong proyekto sa DPWH sa utos umano ni Marcos, sa pamamagitan nina dating Budget Secretary Amenah Pangandaman at Usec. Adrian Bersamin.
Sinabi pa ni Co na 25% komisyon ang kapalit umano ng mga proyektong ito dahilan para mag-deliver siya ng P25 bilyon sa Forbes Park at sa Malacañang, para kina Marcos at Romualdez.
Samantala, iginiit ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na dapat imbestigahan din mismo si Pangulong Marcos ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“Wala pa pong konkretong ebidensya na hindi ito utos ng presidente ang pag-insert ng P100 billion sa budget,” saad ni Tinio.
Hiniling din ni Tinio na paimbestigahan sina Usec. Bersamin at dating DepEd Usec. Trygve Olaivar kung saan at kanino nila ibinigay ang umano’y P8 bilyong komisyon na nakuha kay dating DPWH Usec. Roberto Bernardo sa basement ng isang hotel sa Roxas Blvd., Maynila.
Nilinis ni Ping
Samantala, sinabi ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na totoo ang P100-bilyong bicameral insertions, ngunit “absolutely untrue” na si Marcos ang nag-utos nito para sa kickbacks.
Sa budget debates nitong Nobyembre 18, sinabi ni Lacson na kinausap niya si dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, na umano’y sangkot sa pamamahagi ng kickbacks, at doon siya nakabuo ng konklusyon na wala siyang nakitang ebidensya na si Marcos ang nag-utos ng insertions.
Nanawagan pa si Lacson sa publiko na ipagpatuloy ang pagbatikos sa korupsyon ngunit huwag kalimutan ang due process na dapat humantong sa prosecution, conviction at pagkakakulong ng mga sangkot.
“Magtiyaga nang kaunti pero maging mapagbantay. Huwag tayo bumitaw,” aniya pa.
(BERNARD TAGUINOD)
89
