HINATULAN ng korte ng habambuhay na pagkabilanggo ang isang Chinese national na kasapi ng Sam Gor international drug syndicate, matapos mapatunayang guilty sa pagpupuslit ng mahigit sa 1.4 tonelada ng shabu sa Zambales.
Si Kong Ket Koon, foreign national na Chinese and Malaysian descent, ay ‘guilty beyond reasonable doubt’ dahil sa nakumpiska sa kanyang 1,480,395.20 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu, na tinatayang P10,066,687,360.00 ang halaga, habang sakay ng isang fishing vessel sa Zambales.
Pinapurihan ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General, Undersecretary Isagani R. Nerez si Presiding Judge Michael Real ng Regional Trial Court, Third Judicial Region, Olongapo City, Branch 98, sa mabilis na paggawad ng hatol laban kay Kong Ket Koon, sa paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bukod sa life imprisonment, si Koon ay inatasan din ng korte na magbayad ng P10 million fine, ‘with subsidiary imprisonment in case of insolvency’.
Inutos din ng korte ang pag-ilit sa fishing boat na “F/B Christeve” pabor sa pamahalaan.
Ayon sa PDEA, ang Sam Gor international drug syndicate ay siya ring drug cartel na sangkot sa iba pang insidente ng natatagpuang tone-toneladang floating shabu sa dagat sakop ng Bataan, Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur at Pangasinan.
Si Koon ay nadakip noong Hunyo 20, 2025 matapos ang inilunsad na anti-narcotics operation sa karagatan ng pinagsanib na pwersa ng PDEA Regional Office III, PDEA Regional Office I, Philippine Navy-Northern Luzon Naval Command, Philippine National Police (PNP)-Drug Enforcement Group at Police Regional Office 3, nang masabat ang nasabing fishing vessel na may lulan na sako-sakong shabu sa bisinidad ng Barangay Calapandayan, Subic, Zambales.
Ayon kay USEC Nerez at maging ng Philippine Navy, ang nasabing maritime interdiction ay maituturing na pinakamalaking drug trafficking attempts sa Philippines’ naval history na naharang ng mga awtoridad.
(JESSE RUIZ)
73
