ESCORT NA BI OFFICIALS SA CHINESE DEPORTEES, MISTULANG NAG-FIELD TRIP TO CHINA

BISTADOR ni RUDY SIM

TILA field trip ang ginawang pag-escort ng ilang opisyales at tauhan ng Bureau of Immigration sa 26 Chinese nationals na deportees noong nakaraang Biyernes.

Ayon sa nakalap nating impormasyon mula sa ating garapatang busog sa airport, ay namataan umanong tuwang-tuwang nakalabas ng bansa ang ilan sa itatago na lamang natin sa pangalang “Atty. Alex”, “Atty. Jem” na isang babaeng lawyer na nasangkot noon sa Visa Upon Arrival ng mga Chinese sa bansa, at isa umanong mataas na opisyal na si alias “Yogi Bear” na walang kinalaman ang kanyang tanggapan sa pagpapa-deport ng mga dayuhan, at ilang tauhan ni Mang Kanor mula sa Intelligence Division.

Kailan lamang ay ating ibinisto ang raket ng ilang tiwaling tauhan ng Detention Facility Unit ng BI sa Bicutan, na siyang nangangalaga sa pag-escort sa deportees upang makasakay sa eroplano ngunit sa reklamong ating natanggap, matapos ang kalbaryong naranasan ng mga dayuhang inmates sa mala-impyernong piitan para sa mga dayuhang walang salapi, upang makaranas ng patas na pagtrato ay sila pa ay kinokotongan umano ng mga tauhan ng warden upang maisakay sa eroplano.

Bagama’t walang gastos ang gobyerno sa gastusin ng mga nais sumama o napiling isama bilang gantimpala sa kanilang katapatan kay Kume sa kanilang sindikato, ay makararanas ng libreng tour ang mga kumag, kasama ang libreng hotel, shopping at higit sa lahat ay makaka-bembang ng ibang lahi.

Bakit hindi ipaubaya ng mga kamoteng opisyales na ito sa mga ordinaryong tauhan ng ahensya na siyang nararapat at may katungkulan sa kanilang trabaho at pag-escort, at bakit kailangang agawin upang samantalahin ang libreng biyahe? Hindi ba kayo nahihiya o talagang tinuruan kayo ng inyong mga magulang kung paano maging makapal ang pagmumukha?

Kung mainit ang mata ng publiko ngayon, maging sa mga usapin sa social media, sa tila isang palabas na kuwento ng Flood Control Projects, ang bulok na sistemang ito sa BI ay hindi nasisilip ng publiko kundi sa isang press release lamang na may ginagawang maganda kuno ngunit sa likod nito, ay maraming umaalingasaw na baho na kailangan na ring silipin ni PBBM, at dinggin ang karaingan ng maliliit na mga kawani ng ahensya.

Sa susunod ay atin nang papangalanan kung sino ang mga kumag na taga BI ang nagpasarap sa libreng tour to China… Abangan!

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

42

Related posts

Leave a Comment