BERNARD TAGUINOD
MANININGIL na ang taumbayan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung mananatiling walang balyenang makukulong sa isyu ng flood control scam. Ito ang matapang na pahayag ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña kasabay ng ikalawang Trillion Peso March na ginanap kahapon, Nobyembre 30, sa Luneta at EDSA Shrine.
“Kung yung September 21 ay warning sa gobyerno, eto ngayong November 30 ay ultimatum na. Ibig sabihin pagod nang maghintay ang taumbayan dun sa resulta,” giit ni Cendaña.
Babala niya, hindi sapat na maliliit na isda lang ang masampahan ng kaso. Dapat may managot, may makulong, mabawi ang ninakaw na yaman, at magkaroon ng tunay na repormang pulitikal.
“I hope this administration will take this as ultimatum kasi pag hindi mas maniningil ang taumbayan. Ramdam natin ang galit mula Luzon, Visayas at Mindanao ngayon,” paliwanag pa ng mambabatas.
Hindi diretsong sinabi ni Cendaña kung anong “paniningil” ang maaaring mangyari kung bibiguin ng Pangulo ang hinahanap na katarungan.
Bagama’t hindi ipinanawagan ang pagbibitiw ni Marcos, giit ni Cendaña na kailangan nitong magpaliwanag at managot sa malawakang anomalya.
“Ang panawagan dito sa Trillion Peso March ay dapat maging accountable ang Presidente. Magpaliwanag siya at batay sa kanyang paliwanag at mga ebidensya we will go with the evidence will lead us,” ani Cendaña.
Kasama rin sa panawagan ng rally ang pagsertipika sa tatlong panukalang batas: Legislative Independent Commission, Anti-political dynasty bill at Transparency sa budget.
Rally Fatigue Na?
Samantala, ayon kay Former Eastern Samar Gov. Ben Evardone, posibleng may “rally fatigue” na ang publiko kung kokonti ang dadalo sa mga protesta:
“Baka sabihin ng mga tao, wala namang nangyayari—rally tayo nang rally.”
Dagdag pa niya, Christmas mood na raw ang mga Pinoy at posibleng hindi mataas ang participation habang abala na ang karamihan sa mga Christmas party.
Generally Peaceful
Inilarawan naman ni NCRPO Chief P/MGen. Anthony A. Aberin na “generally peaceful” ang Trillion Peso March. Umabot sa 12,000 pulis mula sa NCRPO, Region 3, 4A, 1 at Cordillera ang dineploy.
Hindi pinayagang lumapit sa Mendiola ang mga raliyista dahil sa inilagay na steel barricades, container vans at makapal na hanay ng pulis. Depensa ni Aberin: “Walang ‘overkill’—naghanda lang kami para ‘di maulit ang nangyari noong September 21.”
Nakamaskara Sinita
Tatlong lalaki ang sinita sa van patungong Luneta dahil naka-balaclava at may suot na vest na “Press”. Ayon sa pulis, bawal na ang balaclava sa Maynila. Nagpakilala ang mga ito bilang freelance media contributors mula sa NGO-funded outlet.
Isang lalaki naman sa Recto Avenue ang naharang dahil naka-mask at may dalang chako para raw sa “self-defense.” Hindi raw siya kasali sa rally.
Sa tala ng mga awtoridad, nasa 3,000 katao ang Luneta attendance (as of 1:30 PM); 200 militanteng grupo naman sa Recto Avenue pero ayon kay dating Rep. Teddy Casiño, umabot sa 7,000 ang lumahok sa kilos protesta.
Ayon kay Glecy Naquita, Convenor ng MANLABAN o Manggagawa Laban sa Bulok na Sistema, Pribatisasyon at Korapsyon, kailangang mapanagot ang lahat ng sangkot sa korupsyon.
Reklamo ng grupo ang walang habas na katiwalian sa bansa na lalong nagpapahirap sa mga ordinaryong mamamayan.
Kapansin-pansin din ang pagsusuot ng maskara na may mukha ng ilang lider ng bansa at kadena sa leeg at kamay na sumisimbolo umano sa mga sabwatan ng mga oligarko.
Makikita ang mukha ni Vice President Sara Duterte na kaalyado umano ni Manny Villar habang si Pangulong Bongbong Marcos ay kaalyado naman ni Ramon Ang at Aboitiz.
“Ang korapsyon sa flood control, privatization ng NAIA, at midnight deals—ito ang pumapatay sa pag-asa ng manggagawa.”
Sabotahe?
Nadismaya rin ang ilang raliyista nang masira ang generator at sound system sa Recto Avenue. Dumating umano si DILG Secretary Jonvic Remulla, at doon biglang namatay ang kuryente.
Pahayag ni Rep. Teddy Casiño, “Parang sinabotahe ng PNP. Hindi na nakapagsalita ang ilan naming speakers.”
Pero bago nagkaproblema, naitodo pa ng rally ang simbulo ng protesta – ang pagwasak sa effigy ni Pangulong Marcos Jr. at pag-awit ng ‘Bayan Ko’.
(May dagdag na ulat sina JOCELYN DOMENDEN/JULIET PACOT)
122
