NAGPAKILALANG POLICE MAJOR, HULI SA ENTRAPMENT

BACOLOD CITY — Arestado ang isang lalaki na nagpapakilalang opisyal ng pulisya at umano’y sangkot sa serye ng robbery-extortion matapos mahuli sa isang entrapment operation sa labas ng isang hotel sa Barangay Singcang-Airport, Bacolod City, kamakailan.

Kinilala ang suspek na si alyas “John,” na nagpapakilala rin bilang “Police Major Calsado,” 38-anyos, at residente ng Koronadal City, South Cotabato.

Ayon sa Bacolod City Police Office (BCPO), nadakip ang suspek ng mga operatiba ng City Intelligence Unit at Police Station 8 dakong 12:45 p.m. nitong Sabado. Nauna siyang inireklamo matapos umano siyang humingi ng P700,000 sa kanyang biktima habang nagpapakilalang isang police major.

Narekober mula sa suspek ang P3,000 cash, P18,000 boodle money, isang cellphone, at isang Mitsubishi Mirage na kanyang minamaneho.

Kasulukuyang nakakulong ang suspek sa custodial facility ng Police Station 8 at nahaharap sa kasong robbery-extortion at usurpation of authority.

Samantala, nasa P986,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat ng BCPO sa magkahiwalay na anti-narcotics operation.

Arestado sa mga operasyon sina alyas “Mar,” 22, ng Purok Malipayon, Barangay 12; “Fran,” 18, ng Barangay Estefania; at “Ann,” 26, ng Barangay Tangub—pawang residente ng Bacolod City.

Nakuha kay Mar ang ilang sachet ng umano’y shabu na may kabuuang bigat na 65 gramo at tinatayang halaga na P442,000, kasama ang P11,000 boodle money, sling bag, at P500 cash.

Sina Fran at Ann naman, na nadakip ng mga tauhan ng Police Station 8 sa Purok Villa, Barangay Tangub, ay nahulihan ng 88 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P544,000, kasama ang marked money at wallet.

(JESSE RUIZ)

50

Related posts

Leave a Comment