MGA AKUSASYON, HANDANG HARAPIN NI CONG. SANDRO MARCOS

TARGET  ni KA REX CAYANONG

SA harap ng akusasyon at pulitikal na ingay, tumindig nang tuwid si House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos.

Aba’y sa halip na umiwas, nagpakita siya ng pambihirang tapang at kahandaang harapin ang anomang usapin kaugnay ng kontrobersiyang sumasaklaw sa mga flood control project.

Sa isang sulat na may petsang Nobyembre 26, 2025, malinaw at walang pag-aalinlangang sinabi ni Marcos na handa siyang humarap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) anomang oras, at bukas siya sa anomang tanong na maaaring makatulong sa imbestigasyon.

Dito’y ipinakita ni Marcos ang mataas na paggalang sa mandato ng ICI. Ito ay indikasyon hindi lamang ng kanyang kumpiyansa sa sarili, kundi ng kanyang paniniwala sa integridad ng proseso.

Hindi lingid sa kaalaman ng publiko na may mga pagtatangkang baluktutin ang naratibo.

Subalit sa halip na magpadala sa emosyon, nanatiling mahinahon si Marcos, pinaninindigan ang kanyang kahandaang magbigay-linaw at magsilbi bilang katuwang sa paghahanap ng katotohanan.

Mahigpit naman niyang itinanggi ang mga akusasyon ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at tinukoy ang mga ito bilang bahagi ng isang mas malaking destabilization plot laban sa administrasyon.

Mahalaga ang puntong ito. Hindi ito simpleng sagutan lamang kundi paglalahad ng konteksto kung saan ang ilang interes ay magsusulong ng kaguluhan upang hugasan ang sarili nilang pananagutan.

Nanindigan si Cong. Sandro na hindi siya uurong at hindi magpapagamit sa ganitong uri ng pampulitikang laro.

Ayon naman kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka, kanilang tinitingnan ito bilang positibong hakbang tungo sa mas malinaw na pagsusuri. Nagpapatibay ito sa imahe ng mambabatas bilang lider na walang itinatago at handang sumagot sa kahit pinakamahirap na tanong.

Sa panahon kung saan lumalabas ang sari-saring akusasyon laban sa iba’t ibang opisyal tulad ng pagsagot ni Rep. Edwin Gardiola sa ipinupukol din sa kanyang alegasyon, at ang sigalot sa pagitan ni Rep. Leandro Leviste at ng DPWH tungkol sa transparency, nangingibabaw ang isang lider na hindi nagtatago, hindi umiwas at hindi nagtatago sa likod ng teknikalidad.

Ganito kumikilos ang isang halal na opisyal na inuuna ang serbisyo publiko kaysa sariling interes.

Sabi nga, ang liwanag ng katotohanan ay mas malinaw kapag ang mga pinuno ay hindi natatakot humarap dito.

126

Related posts

Leave a Comment