‘DI PA TAPOS ANG LABAN VS BBM ADMIN

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NANANATILING positibo ang pananaw ng mga Pilipino na makakamit nila ang hustisya laban sa mga magnanakaw sa kaban ng bayan.

Nitong Linggo, ipinakita ng mga Pilipino ang kanilang pwersa na hindi sila sang-ayon sa matinding katiwalian sa administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Naging maayos at walang naitalang kaguluhan sa nasabing kilos-protesta na ginanap sa Luneta sa Maynila, EDSA sa Quezon City at maging sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nagsimula ang malakihang protesta noong September 21, 2025 sa anibersaryo ng Martial Law. Tuwing Biyernes naman ay nagkakaroon ng manaka-nakang protesta at nitong nakaraang Linggo, Nobyembre 30, 2025 ay muling nagkaroon ng sabay-sabay na rali.

Bagama’t iisa ang kanilang panawagan na managot ang mga korap na government officials ay hindi naman sila nagkakasundo kung sino ang dapat panagutin dahil sa kani-kanilang paniniwala o sinusuportahan na mga politiko.

Naniniwala pa rin ang mga Pilipino na may mapapanagot sa mga nagkasala sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Sabi nga ng iba ang nasabing mga pagkilos o protesta na ginanap ay pagpapakita ng mga Pilipino na ayaw nila sa korupsyon na nangyayari.

Dahil pumasok na ang buwan ng Disyembre tila, magpapahinga muna ang mga Pilipino sa pagsasagawa ng protesta laban sa katiwalian.

Pagpasok ng taong 2026 partikular sa buwan ng Pebrero, ay sasapit ang anibersaryo ng People Power sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Tila mauulit ito sa kanyang anak na si PBBM.

Kaya umaasa pa rin ang publiko na may makukulong sa pinakamamataas na mga elected official na idinadawit sa mga anomalya sa pera ng sambayanang Pilipino.

Marami ang hindi naniniwala na walang kinalaman si PBBM sa katiwalian dahil siya mismo ang pumirma sa 2023, 2024 at 2025 national budget na pinagmulan ng nabanggit na katiwalian.

Sa katunayan marami sa mga artista ang dismayado sa nangyayaring korupsyon sa pamahalaan kung kaya’t ang iba sa kanila ay nag-iisip na pansamantala munang tumigil sa pagbabayad ng kanilang buwis.

Maging ang ilang overseas Filipino workers (OFWs) ay nag-iisip na rin ng “non-remittance” bilang protesta nila sa nangyayaring korupsyon o nakawan sa kaban ng bayan.

Hindi na gusto ng OFWs ang matinding nakawan sa gobyerno na kinasasangkutan ng mga mambabatas mismo at ilang opisyal ng bansa.

Kaya kapag hindi nakuntento ang mga Pilipino sa ginagawa ng kasalukuyang administrasyon laban sa korupsyon na nangyayari ay baka matulad siya sa kanyang ama na si Ferdinand Marcos Sr., na napaalis dahil sa katiwalian.

Kung kaya’t hindi pa sigurado na matatapos ang natitira pang mga taon ni PBBM na magtatapos sa taong 2028.

Hangga’t ‘di pa nawawala ang galit ng publiko sa kasalukuyang administrasyon ay laging tagilid si PBBM na posibleng mapababa sa kanyang pwesto.

Kaya hindi laging masaya ang mga suporter ni PBBM dahil lahat ng mga posisyon sa gobyerno lalo kapag elected ka, ay may katapusan.

Mas makabubuti sa mga elected official ay gumawa kayo ng mabuti para ‘pag nawala na kayo sa inyong posisyon ay tanggap pa rin kayo ng inyong mga kababayan.

Ika nga sa kasabihan “walang forever.”

OOo

Para sa suhestiyon at reklamo mag-email sa operarioj45@gmail.com.

90

Related posts

Leave a Comment