DPA ni BERNARD TAGUINOD
IMBES na pakalmahin ng mga tauhan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang taumbayan sa kanilang galit sa katiwalian na nagpayaman sa mga nakapuwesto sa gobyerno, ay iniinsulto pa nila ang mga Pilipino.
Tulad na lamang itong si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na nagsabing kasya raw ang budget na P500 para sa Noche Buena ng isang pamilya na binubuo ng mag-asawa at dalawang anak.
Insulto ito sa mahihirap lalo na’t maraming nagugutom dahil hindi mapigil ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at may kultura ang mga Pilipino na sampalin mo na lang siya huwag lang siyang insultuhin dahil hinding-hindi ka niya mapapatawad kahit kailan!
Kung talagang kasya kay Roque (kaano-ano kaya niya si Harry Roque?) ang P500 sa Noche Buena, dapat patunayan niya sa kanilang bahay mismo. May live streaming na rin naman kaya i-live stream niya ang kanyang handa sa Pasko.
Ilabas niya sa Facebook at YouTube nang ‘live’ ang pagbili ng mga kailangan sa Noche Buena hanggang sa iluto at ilapag ito sa kanilang hapag-kainan na pagsasaluhan nilang mag-anak sa araw ng Pasko.
Kung higit apat ang nasa bahay nila, sige pagbigyan natin na dagdagan niya ang P500 pero dapat kung lima hanggang 7 sila ay dapat P625 hanggang P875 lang ang kanilang budget dahil ang P500 ay para lang daw sa apat na tao.
Dapat gawin niya ang kondisyong na iyan para isampal sa ating lahat lalo na kaming mahihirap na patuloy na inaapi, na kasya ang P500 sa Noche Buena at kung hindi ay dapat mag-resign na lang siya dahil iniinsulto niya tayo.
Sa mga social media post, kasya naman ang P500 sa Noche Buena pero ito ay noong 1993 pa. Nasa eskwelahan pa ang mga generation X. Anong petsa na ngayon, Mrs. Cristina? Mahigit tatlong dekada na ang presyong iyan!
Nag-time travel ka ba? O wala ka lang puso sa mahihirap at hindi mo talaga naintindihan ang kalagayan ng mga pobre dahil palagay ko, rich kid ka kaya out of touch ka talaga sa mga pobreng katulad namin.
‘Yan ang hirap sa public officials na mula sa mga pinagpalang pamilya hindi alam ang tunay na kalagayan ng mga tao sa ibaba dahil kahit kailan ay hindi nila naranasang kumain na ang ulam ay ‘pasabog” o asin na isinabog sa kanin.
Sa ginagawa n’yong iyan ay lalo n’yo lang ginagalit ang mga tao sa gitna ng ngitngit ng taumbayan dahil sa malawakang pagnanakaw sa kaban ng bayan na hanggang ngayon ay wala pang nakukulong na malalaking isda na tunay na nagkamal ng bilyones kaya namumuhay sila nang marangya at idinidisplay pa ang kanilang karangyaan na mula sa nakaw naman!
Umayos nga kayo!
77
