MALACAÑANG BUKAS SA PAGBIBIGAY NG PABUYA SA IKADARAKIP NI ZALDY CO

MAAARING pag-isipan ng gobyerno ang pagbibigay ng reward o pabuya para sa makapagtuturo at makapagpapa-aresto kay dating Ako Bicol congressman Zaldy Co, na nahaharap sa kaso ng korapsyon at malversation kaugnay ng kontrobersiyal na flood control projects.

Sa press briefing sa Malacañang, tinanong si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung handa ba ang administrasyon na mag-alok ng pabuya upang mapabilis ang paghuli kay Co.

Ayon kay Castro, wala pang pormal na talakayan ukol dito—pero bukas ang pintuan.

“Sa ngayon, wala pang napag-uusapan sa ganiyan. Pero since nadinig sa inyo, maaari siguro ikonsidera. Pero as of now, wala pa pong napag-uusapan tungkol diyan,” ani Castro, na tumawag sa mungkahi bilang isang “good suggestion.”

Dagdag niya, malinaw ang direktiba ng Pangulo: hanapin at pauwiin si Co.

“Lahat ng concerned agencies, dapat alamin at makatulong para mapabalik agad si Zaldy Co sa Pilipinas,” wika ni Castro.

Hindi rin kinumpirma ng Palasyo ang mga ulat na nasa Portugal umano si Co. Patuloy pa raw ang beripikasyon ng mga ahensya sa aktwal nitong kinaroroonan.

Matatandaang iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang agarang pag-aresto kay Co matapos maglabas ang korte ng warrant laban sa mambabatas na umano’y tumakas sa bansa.

(CHRISTIAN DALE)

100

Related posts

Leave a Comment