POSIBLENG sa loob na ng bilangguan tumanda ang tinaguriang “Pork Barrel Queen” na si Janet Lim Napoles matapos patawan ng Sandiganbayan Special 3rd Division ng parusang reclusion perpetua o hanggang 80 taong pagkabilanggo.
Ang hatol ay may kaugnayan sa dalawang (2) counts ng malversation of public funds na nag-ugat sa ilegal at maanomalyang paggamit ng Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Sa 165-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Ronald Moreno, napatunayang nagkasala si Napoles at iba pang akusado sa malversation ng pondong nagkakahalaga ng P19 milyon mula sa alokasyon ng namayapang si Benguet Rep. Samuel Dangwa.
Bagama’t nakasaad sa batas na ipinapataw lamang ang reclusion perpetua sa mga kasong lumalagpas sa P88 milyon ang nakulimbat, binigyang-diin ng korte ang bigat ng pagkakasala sa naturang pampublikong pondo.
Samantala, abswelto naman sa kaso si Dangwa at tatlong iba pa matapos abutin ng kamatayan habang gumugulong ang paglilitis.
Matatandaang noong Mayo 2023, naabswelto ng Sandiganbayan 1st Division si Napoles sa 16 na kaso kaugnay ng pork barrel scam. Gayunpaman, nanatili pa rin siya sa piitan dahil sa iba pang nakabinbing kaso na may kaugnayan sa PDAF scam.
Kabilang sa mga kontrobersyal na alegasyong kinakaharap ni Napoles ay ang paglilipat umano ng P224 milyong PDAF ni dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. patungo sa mga bogus na Non-Government Organizations (NGOs) na pagmamay-ari ni Napoles. Si Revilla, na tinaguriang “Alias Pogi” sa mga dokumento, ay una nang nakasuhan at nakulong sa kasong plunder bago nabigyan ng kalayaan ilang taon na ang nakalilipas.
(JULIET PACOT)
130
