Inunahan ang arrest warrant SARAH DISCAYA KUSANG SUMULPOT SA NBI

KUSANG sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Martes ang contractor na si Sarah Discaya, ilang oras matapos ihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakatakdang lumabas ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng maanomalyang flood control projects.

Dumating si Discaya sa NBI headquarters sa Pasay City bandang alas-diyes ng umaga, matapos makipag-ugnayan umano sa ahensya hinggil sa kanyang pagsuko.

Sa isang video message, sinabi ni Marcos na inaasahang lalabas ngayong linggo ang warrant laban kay Discaya at hindi na raw magtatagal bago siya maaresto.

“Hindi na rin magtatagal ang pag-aresto sa kanya,” ani Marcos.

Si Discaya at kanyang asawa na si Pacifico Discaya ay napasabak sa imbestigasyon matapos maiugnay ang kanilang mga kompanya sa mga kahina-hinalang proyekto. Pagmamay-ari nila ang Alpha and Omega General Contractor & Development Corporation, na kabilang sa 15 kumpanyang umano’y sumaklaw sa 20% ng flood control projects sa buong bansa.

Ayon sa Pangulo, may walo ring tauhan ng DPWH sa Davao Occidental ang nagpadala ng liham na susuko rin sa NBI upang harapin ang mga kaso.

Si Discaya at siyam na iba pa ay nahaharap sa malversation of public funds at paglabag sa Section 3 ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) kaugnay ng umano’y ₱96.5-milyong ghost flood control project sa Brgy. Culaman, Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Bagama’t nagsumite na ng intensyon ang mag-asawa na maging state witness, sinabi ng Office of the Ombudsman na hindi ito posible dahil sa bigat at lalim ng kanilang pagkakasangkot.
Maging ang DOJ ay iniulat na hindi na sila kinokontak ng Discaya couple.

(CHAI JULIAN)

75

Related posts

Leave a Comment