CAVITE – Arestado ang isang 18-anyos na water delivery boy makaraang tangayin ang isang motorsiklo na naiwan ng may-ari ang susi nang sumilong dahil umuulan sa bayan ng Silang sa lalawigan nitong Martes ng madaling araw.
Hawak ngayon ng pulisya ang suspek na si alyas “Russel”, tubong Bicol, at residente ng AFP Housing, Brgy. Bulihan, Silang, Cavite matapos ireklamo ng biktimang si alyas “Joboy”, 28-anyos.
Ayon sa reklamo ng biktima, ipinarada niya ang kanyang motorsiklong blue na Mitsukoshi Euro Keeway Icon 110 Scooter, bandang alas-2:00 ng madaling araw sa Governor’s Drive, Brgy. Old Bulihan, Silang, Cavite upang ayusin.
Ngunit biglang umulan kaya tumakbo siya sa isang bar malapit sa lugar subalit nakalimutan niya ang susi sa motorsiklo.
Nang tumigil ang ulan, bumalik siya ngunit napansin na may sumakay na isang lalaki at pinaandar ang motorsiklo.
Tinangka niya itong pigilan subalit mabilis na pinaharurot ng suspek ang motorsiklo kaya ini-report niya ang insidente sa Bulihan Police Community Precinct at sa isinagawang sa follow-up operation ay naaresto ang suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10883 (Anti Carnapping Act of 2016).
(SIGFRED ADSUARA)
82
