HINDI ililihin ng Department of Justice (DOJ) sakaling matanggap nila ang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez, “Walang sikreto rito.” Kapag dumating umano sa kanila ang warrant, tungkulin nilang ipaalam ito.
“Kapag nandiyan na ang warrant of arrest, assuming na sa amin i-transmit, tungkulin naming sabihin na may warrant of arrest,” pahayag ni Martinez sa GMA Integrated News’ “Balitanghali.”
Dagdag niya, anomang warrant ay dapat ipatupad “ayon sa batas at international law.” Pag-aaralan pa ng DOJ kung paano ito i-implement dahil may nakabinbing petisyon si Dela Rosa sa Supreme Court.
Paglilinaw ni Martinez: wala silang mino-monitor na kinaroroonan ni Bato dahil hindi naman ito pugante o hinahanap ng batas.
“Wala kaming mandato para arestuhin o hanapin siya,” paliwanag ng opisyal. Hangga’t walang nakikitang warrant mula sa ICC o request mula sa Interpol, walang enforcement na ginagawa ang DOJ.
Duterte Camp, Blangko pa
Nanatiling tikom naman at maingat ang kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Ayon sa abogado niyang si Nicholas Kaufman, hindi umano logical na may bagong ICC warrant habang nakabinbin pa ang apela ng Pilipinas na kumukuwestiyon sa hurisdiksyon ng ICC.
Noong Mayo, iginiit ng depensa ni Duterte na hindi dapat saklaw ng ICC ang bansa dahil umatras ang Pilipinas sa Rome Statute.
Ginawa nila ang paglilinaw matapos kumalat ang pahayag nina dating Ombudsman Jesus Crispin Remulla at dating Presidential Spokesman Harry Roque na may umiiral nang warrant laban kay Dela Rosa, bagamat walang dokumentong ipinakita bilang ebidensya.
Naghain si Dela Rosa ng urgent plea sa Supreme Court para sa temporary restraining order laban sa sinasabing warrant. Matapos ang isyu, hindi na siya dumadalo sa Senate sessions mula Nobyembre 11, bagay na nagdulot ng espekulasyong umiwas siya sa posibleng pag-aresto kahit nasa loob ng Senate building.
Noong Nobyembre 10, tumanggi ang ICC na kumpirmahin kung umiiral nga ang warrant.
Si Dela Rosa ang itinuturing na arkitekto ng “Double Barrel” — ang madugong kampanya kontra droga sa ilalim ng Duterte administration.
(JULIET PACOT)
75
