IGINIIT ng Makabayan bloc sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na panagutin ang mga miyembro ng Bicameral Conference Committee (Bicam) na lumagda sa 2024 national budget, dahil sila umano ang nagbukas ng daan para maalis ng Malacañang ang P60 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Inilabas ng grupo ang pahayag kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na idineklarang unconstitutional ang paglilipat ng naturang pondo, kaya nararapat umanong managot ang mga responsable sa nasabing probisyon.
“Sino ang dapat managot sa illegal transfer ng P60B PhilHealth funds? The answer is clear: all those who participated in inserting, approving, and implementing the void special provision in the 2024 General Appropriations Act,” ayon sa Makabayan bloc.
Ayon sa grupo, ang mga miyembro ng Bicam ang nagsingit ng probisyong naging dahilan upang kunin ang pondo ng ilang Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs), kabilang ang PhilHealth, para pondohan ang unprogrammed appropriations.
Tinukoy ng Makabayan ang Special Provision 1-D sa 2024 GAA, na nagsasaad na maaaring gamitin ang fund balance ng mga GOCC mula sa natirang pondo matapos ang review at reduction ng kanilang reserve fund. Nakasaad din na ang Department of Finance ang maglalabas ng guidelines para sa implementasyon.
“The Supreme Court has now vindicated our position. But vindication is not enough, dapat may dapat managot. All signatories to the 2024 bicameral conference report, all those who voted to approve it despite our warnings, and all executive officials who implemented this unconstitutional provision must be held accountable,” anila.
Kabilang umano sa lumagda para sa Senado sina dating Sens. Sonny Angara, Cynthia Villar, Nancy Binay, at mga incumbent na sina Pia Cayetano, Loren Legarda, Imee Marcos, Ronald dela Rosa, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Bong Go, JV Ejercito at Jinggoy Estrada. Sa House of Representatives naman ay sina dating mambabatas Zaldy Co, Stella Quimbo, Aurelio “Dong” Gonzales, Neptali Gonzales II, Ralph Recto, Manuel Jose Dalipe, Raul Angelo Bongalon at Michael John Duavit, at mga kasalukuyang kinatawan na sina Sandro Marcos, David Suarez, Eleandro Jesus Madrona, Marcelino Libanan at Jose “Joboy” Aquino.
“Ang gagaling maggalit-galitan noong iniimbestigahan ang paglipat ng pondo ng PhilHealth, tapos sila pala ang pumirma at pumayag na gawin ito,” patutsada pa ng Makabayan.
(BERNARD TAGUINOD)
104
