GOV. DRA. HELEN TAN AT PD BONG ALBACEA, SANIB-PWERSA SA SERBISYO AT SEGURIDAD!

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA panahon kung kailan ang mga probinsya ay nakikipaglaban upang maiangat ang antas ng serbisyo at oportunidad para sa kanilang mamamayan, kapansin-pansin ang lalawigan ng Quezon, hindi lamang dahil sa laki nito, kundi dahil sa direksyon at lideratong nagbibigay ng tunay na pagbabago.

Aba’y sa pangunguna ni Gov. Doktora Helen Tan, mas malinaw kaysa kailanman na ang pag-unlad ay hindi dapat manatili sa salita. Ito ay dapat maramdaman, makita, at maranasan ng bawat Quezonian.

Kamakailan, pinangunahan ni Gov. Tan ang oathtaking ceremony ng Quezon Local Planners Association para sa 2026-2028.

Sa ilalim ng kanyang pamumuno, ang pagpaplano ay hindi lamang teknikal na proseso. Ito ay isa sa mga pundasyong magtatakda sa kinabukasan ng Quezon, isang kinabukasang mas progresibo at mas matatag.

Hindi rin matatawaran ang kanyang dedikasyon sa edukasyon at kabataan, makikita ito sa pagbibigay ng educational assistance sa mahigit 1,800 na college students mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Patunay ito sa paniniwala ng Gobernadora na ang tunay na pag-unlad ay nagsisimula sa kabataang binibigyan ng oportunidad, hindi ng limitasyon.

Bukod pa rito, pormal nang nanumpa si Gov. Tan bilang Co-Chairperson ng RDC Sectoral Committee on Infrastructure Development, isang posisyong lalong magpapalakas sa kakayahan ng Quezon na makamit ang modernong imprastraktura, mas mahusay na transportasyon, at mas maunlad na ekonomiya.

Sa pagdiriwang naman ng Children’s Month, pinatunayan ni Gov. Tan na ang kanyang pamamahala ay may puso.

Ito’y dahil sa kabila ng limitadong pondo, nagbunga ang sama-samang aksyon ng Quezon sa pagbaba ng stunting, wasting, at obesity rate sa mga bata. Ibig sabihin, umuunlad ang Quezon, hindi lamang sa imprastraktura at ekonomiya, kundi pati sa kalusugan at kinabukasan ng kanyang pinakamaliliit na mamamayan.

Ngunit hindi magiging makabuluhan ang lahat ng programang ito kung walang mga pulis na nangangalaga sa katahimikan at kaayusan sa lalawigan.

Dito pumapasok ang mahalagang papel ni Quezon Provincial Police Office Director, Police Colonel Romulo “Bong” Albacea.

Malinaw na sa kanyang matatag na pamumuno, nananatiling maayos at ligtas ang peace and order situation sa probinsya.

Sa pamamagitan ng mas pinaigting na mga operasyon kontra kriminalidad, epektibong koordinasyon sa LGUs, at pagkakaroon ng presensiyang pulisya sa mga komunidad, naging higit na panatag ang mamamayan sa kanilang araw-araw na pamumuhay.

Ang kombinasyon ng serbisyong may malasakit ni Gov. Helen Tan at seguridad na pinagtitibay ni PCol. Albacea ay nagbibigay sa Quezon ng natatanging bentahe, isang lalawigan na hindi lamang maunlad, kundi ligtas.

Hindi lamang moderno, kundi makatao. Hindi lamang masigla, kundi mapagkalinga.

Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!

80

Related posts

Leave a Comment