OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
MATAPOS ilapit sa Saksi Ngayon at OFW JUAN ang kanyang kalagayan, matagumpay nang nakauwi sa Pilipinas ang ating kababayang si OFW Jayne Ramirez, isang domestic worker sa Unayzah, Al Qaseem, Saudi Arabia.
Si OFW Jayne ay nagtrabaho sa ilalim ng SAAID Recruitment Company/Saaid Recruitment Office, at na-deploy sa pamamagitan ng 2TG Manpower International. Ilang linggo na ang lumipas mula nang magsumbong siya dahil sa matinding pamamaga ng kanyang mga paa na nagdulot ng hirap sa paggalaw at kawalan ng kakayahang magtrabaho. Dahil dito, nagpahayag siya ng matinding kagustuhan na makauwi na sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng tulong at pakikipag-ugnayan ng OFW JUAN at Saksi Ngayon kay Repatriation Head Director Sherelyn Malonzo, agad na naisakatuparan ang pagproseso ng kanyang pag-uwi.
Noong nagdaang Linggo, ibinalita ni OFW Jayne na nabili na ang kanyang ticket pauwi ng Pilipinas. Gayunpaman, humiling siya ng tulong dahil wala siyang natanggap na sahod mula sa employer at wala man lamang pamasahe pauwi sa Tupi, South Cotabato.
Sa pagdating niya sa NAIA, masaya siyang sinalubong ng mga kawani ng OWWA na agad siyang inasistehan at dinala sa hotel para sa free overnight stay. Kinabukasan ng gabi, muling tumawag ang OWWA upang sunduin siya at ihatid papuntang airport para sa kanyang biyahe pauwi ng South Cotabato.
Lubos ang pasasalamat ni OFW Jayne sa OFW JUAN, Saksi Ngayon, at OWWA sa maagap na tugon, suporta, at malasakit na ipinakita upang matiyak ang kanyang ligtas na pagbalik sa Pilipinas.
Muling pinapatunayan ng pangyayaring ito na kapag nagkakaisa ang media, NGOs, at ating mga ahensya ng gobyerno ay walang OFW ang mapababayaan.
141
