Polong bumanat muli sa BBM admin TOTOONG REPORMA HINDI PAPOGI SA PULITIKA

KINUTYA ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang apat na reporma, kabilang ang anti-political dynasty bills, na ipinaprayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso.

Aniya, tila bigla lamang naisip ng Pangulo ang mga ito upang maibsan ang pressure na kinahaharap ng administrasyon.

“Alam mo, every time na mainit ang usapan tungkol sa mga isyu na mas mabigat para sa administrasyon, naa-amaze na lang ako sa administrasyon na ‘to,” ayon sa social media post ng mambabatas.

Bukod sa anti-political dynasty bill, inutusan ni Marcos ang dalawang kapulungan na unahin din ang Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act, at Citizens’ Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.

“Anti-Dynasty Bill? For real? Matagal na masyado ‘yang pinangako ng lahat ng administrasyon. Ngayon lang nila naalala pag tumaas na ang pressure sa kanila,” patutsada ni Duterte.

Kung seryoso umano ang Malacañang sa reporma, dapat unahin ang pagtugon sa mga isyung nangangailangan ng agarang solusyon dahil karapatan ng mga Pilipino ang tunay na reporma at hindi umano political stunt.

Katulad ng pamilyang Marcos, mula rin sa isang political dynasty si Rep. Duterte. Bukod sa kanyang mga kapatid na sina Vice President Sara Duterte at Davao City acting Mayor Sebastian Duterte, ang kanyang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte ay naging alkalde rin ng lungsod. Ang anak ni Paolo na si Omar Vincent ay kongresista ng ikalawang distrito, habang kinatawan naman ng PPP party-list ang kanilang pinsan na si Harold James.

Maraming Duda sa Biyahe

Samantala, hindi masisisi ng isang lider ng Mababang Kapulungan ang pagdududa ng publiko sa tila “world tour” ni Rep. Paolo Duterte sa 17 bansa sa loob ng mahigit dalawang buwan.

Ayon kay House committee on suffrage and electoral reform chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hindi karaniwan ang ganitong uri ng biyahe, lalo na’t may umiiral na imbestigasyon sa flood control projects.

“I understand the apprehension of the public… this kind of trip is not ordinary. Seventeen countries in two months. You don’t normally get this request from any member of the House,” ani Adiong.

Kabilang sa mga pupuntahan ni Duterte ang Hong Kong, China, U.S., Australia, UK, France, Italy at iba pa na parehong ruta ng biyahe niyang ginawa noong unang bahagi ng taon.

Ayon kay Adiong, pati ibang kongresista ay nagtatanong na rin sa dalas at haba ng biyahe ni Duterte. Nasa liderato ng Kamara pa rin ang desisyon, ngunit kailangan aniyang ipaliwanag ng mambabatas ang dahilan ng kanyang madalas na pag-alis sa bansa.

(BERNARD TAGUINOD)

95

Related posts

Leave a Comment