CHINESE NATIONAL TIMBOG SA ILLEGAL ACTIVITIES

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 50-anyos na Chinese national sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, dahil sa paglabag sa Immigration Law at umano’y pagkakasangkot sa ilegal na mga aktibidad.

Kinilala ng BI ang dayuhan na si Shi Chaoqun, inaresto ng mga operatiba ng BI Intelligence Division noong Disyembre 5.

Nabisto ang naturang indibidwal matapos niyang tangkaing umalis ng bansa.

Ayon sa BI, ang impormasyon mula sa Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform (CAFAR) sa pamamagitan ng tanggapan ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, ang nag-ugnay kay Shi at ilang iba pang foreign nationals sa umano’y operasyon ng smuggling na isinasagawa sa pamamagitan ng mga negosyong kanilang itinatag sa bansa.

Sa beripikasyon ng BI operatives, lumabas na nilabag ni Shi ang kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa matapos makitang nakikipag-ugnayan siya sa isang business entity na wala sa ilalim ng kanyang petitioning company, na paglabag sa batas sa imigrasyon ng Pilipinas.

Agad siyang inaresto, at matapos ang medikal na pagsusuri at booking, ay inilipat sa BI Warden’s Facility sa Taguig City.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang patuloy na pakikipagtulungan ng ahensya sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang sugpuin ang mga dayuhang lumalabag sa batas ng Pilipinas.

“Malapit kaming nakikipagtulungan sa ating mga mambabatas at law enforcement agencies upang tukuyin, hanapin, at arestuhin ang mga dayuhang umaabuso sa ating mga batas,” aniya.

“Nawa’y magsilbi itong mahigpit na babala—ang mga nagsasamantala sa ating sistema o sangkot sa ilegal na aktibidad ay hahabulin, aarestuhin, at palalayasin sa bansa. Hindi magiging kanlungan ang Pilipinas para sa mga indibidwal na sumisira sa ating legal na proseso,” dagdag pa niya.

Kung mapatunayang nagkasala, haharap si Shi sa deportasyon at ilalagay sa blacklist upang hindi na muling makapasok sa bansa.

(JOCELYN DOMENDEN)

69

Related posts

Leave a Comment