MASAYA KAYA ANG PASKO NI MARTIN ROMUALDEZ?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ILANG tulog na lang at Pasko na, pero imbes na saya, puro gigil ang nararamdaman ng marami. Habang pilit pinagkakasya ng pamilyang Pilipino ang pang-P500 na Noche Buena, nananatiling palaisipan kung bakit tila mabagal ang pag-usad ng imbestigasyon laban sa mga sinasabing may kinalaman sa malalaking anomalya sa national budget. Saan nga ba magpapa-Pasko ang dating Speaker na si Martin Romualdez?
Si Ombudsman Boying Remulla, na minsang nagbigay ng matapang na pahayag tungkol sa mga posibleng magpa-Pasko sa kulungan, ay tila nagiging mas maingat kapag ang pinag-uusapan ay ang dating Speaker. Ang dating tapang, tila naglaho.
Ayon sa isinagawang WR Advisory Group survey, isang malaking porsyento ng respondents (23%) ang nagtuturo kay dating Speaker Romualdez bilang isa sa mga pangunahing may pananagutan. Malinaw na lumulutang ang kanyang pangalan sa kamalayan ng publiko.
Ngunit may bumabagabag na tanong: Bakit tila nag-iiba ang antas ng pag-iingat at pagiging metikuloso ng Office of the Ombudsman kapag ang pangalan ni dating Speaker ang nauugnay sa imbestigasyon? May mga pagkakataon, ang pagpapaalala sa due process ay mabilis na lumabas. Samantala, sa ibang kaso, kahit may mga ulat nang nagsasabing walang matibay na ebidensya, tila ayaw pa ring tigilan ang pagsisiyasat.
Bakit may ganitong pagkakaiba sa pagtrato? Mayroon bang inililihis sa totoong usapin?
Hindi naman madaling balewalain ang mga ebidensyang nailahad sa publiko laban sa mga indibidwal na konektado sa anomalya. Maraming posibleng sundan na lead ang mga imbestigador.
Gayunman, dahil sa tila maingat na pagkilos ng Ombudsman, nagtatanong ang marami: Mayroon bang VIP lane sa hustisya? Tila kung may koneksyon, may posibilidad na maging mas maayos at mabilis ang paglilinaw. Kung wala, mahaba at masalimuot ang daan.
Kaya ngayong Pasko, habang ang mamamayan ay nagtitipid para sa simpleng handaan, hindi maiiwasang isipin na ang mga pamilya na nasa sentro ng mga kontrobersya ay malamang na magdiriwang nang tahimik at ligtas sa pinakamasarap, at pinakamagarbong paraan.

197

Related posts

Leave a Comment