TINUTULAN ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes ang pagkakalipat ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa Department of Social Welfare and Development mula sa Office of the President (OP).
Sa kanyang privilege speech, nagpahayag ng pagdududa ai Ordanes na mapagtutuunan ng pansin ng DSWD ang mandato ng NCSC.
Sinabi ng mambabatas na masyado nang maraming programa ang DSWD na may kaugnayan sa pagbibigay ayuda at tulong.
Inihalimbawa niya ang Ayuda para sa Kapos sa Kita Program (AKAP), Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Program, Kapit Bisig Laban sa Kahirapan, Comprehensive Integrated Delivery of Social Services at mga ibinibigay na tulong sa mga biktima ng kalamidad.
Sinabi pa ni Ordanes na hindi maaaring amyendahan ng isang executive order ang isang umiiral na batas.
Noong nakaraang Setyembre inilabas ng Malakanyang ang Executive Order 96 na naglipat sa NCSC sa ilalim ng pangangasiwa ng DSWD base sa hiling ni Social Welfare Sec. Rex Gatchalian.
“Ito po ay pagpapakita na ang isang makapangyarihan ay kayang baluktutin ang batas,” puna ni Ordanes.
At nang sumunod na buwan, naghain ng panukala sa Senado si Sen. Sherwin Gatchalian na magpapatibay sa EO 96, na sa paniniwala ni Ordanes ay pagpapatibay nang pagbaluktot sa batas.
Naniniwala ang mambabatas na malaking kamalian ang hakbang ng Malakanyang sa palagay na sa halip mapagbuti ang pagbibigay serbisyo sa mga nasa edad 60 pataas ay lalo pang magiging masalimuot ang lahat para sa kanila.
Ang Senior Citizens Party-list aniya ang nagsulong ng RA 11350 na bumuo sa NCSC.
Idinagdag pa ng mambabatas na sa EO 96 ibabalik sa lumang mekanismo ang pagtulong sa senior citizens kung saan sila ay nasa laylayan ng mga programa ng DSWD.
96
