HINDI lamang ang panukalang anti-political dynasty ang isasailalim sa marathon hearings ng House committee on suffrage and electoral reform kundi pati na rin ang panukalang batas laban sa mga tinaguriang “political butterflies” o mga politikong balimbing.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, chairman ng komite, magsasagawa sila ng lingguhang pagdinig simula Enero upang mapabilis ang pagtalakay sa mga panukalang batas na nakabinbin sa kanilang tanggapan.
“Ang gagawin natin, by January, ang nais ng aking committee ay magkaroon ng weekly committee hearing para mapadali itong lahat na nairefer sa atin na mga panukalang batas,” pahayag ni Adiong sa isang panayam.
Sinabi ng mambabatas na kasalukuyang hawak ng komite ang 13 panukalang batas laban sa political dynasty, bukod pa sa mga panukalang amyendahan ang party-list system at ang panukala ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo na palakasin ang political system ng bansa.
Tinutukoy ni Adiong ang House Bill No. 2798 o ang Political Party Development Act of 2025 na inakda ni Arroyo, na naglalayong ipagbawal ang paglipat ng mga pulitiko sa ibang partido matapos silang manalo sa halalan.
“Hindi lang ang anti-political dynasty at reform party-list ang nairefer sa atin. Pati yung strengthening political system in the Philippines imposing the anti-turncoatism provisions,” ani Adiong.
Tinukoy rin ng kongresista ang nakasanayang paglipat ng mga mambabatas sa partido ng nanalong pangulo matapos ang eleksyon.
Aminado si Adiong na matagal nang isyu ang pagtalikod ng ilang halal na opisyal sa partidong ginamit nila sa kanilang pagkapanalo, kaya layon ng panukala ni Arroyo na pigilan ito at magtakda ng parusa sa mga lalabag.
(BERNARD TAGUINOD)
75
