DISCAYA, POSIBLENG DALHIN SA DAVAO KAPAG LUMABAS ANG COMMITMENT ORDER

MANILA — Posibleng anomang araw mula ngayon ay ilipat patungong Digos City, Davao del Sur si kontratistang Sarah Discaya sakaling lumabas ang commitment order laban sa kanya at ma-raffle ito ng korte.

Sa kasalukuyan, nananatili si Discaya sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) habang inaantay ang proseso ng paglilipat sa kulungan. Ito ay kasunod ng boluntaryong pagsuko ni Discaya sa ahensiya noong December 9, 2025 upang tiyakin ang kanyang kaligtasan laban sa posibleng banta sa buhay matapos masangkot sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay NBI Acting Director Angelito Magno, voluntary surrender ang ginawa ni Discaya at wala pang inilabas na warrant of arrest mula sa korte. “Nasa NBI ngayon, nandun pa rin siya because she submitted herself to the custody of NBI voluntarily while pending the issuance of the warrant of arrest,” ani Magno. Idinagdag niya, maaari rin namang lumabas si Discaya sa kustodiya dahil ilegal ang pagpigil sa kanya habang wala pang arrest warrant.

Tiniyak ng NBI na kanilang dadalhin at ipiprisinta si Discaya sa korte sa oras na lumabas ang utos ng arestuhin, kabilang ang booking process at pagsosoli ng dokumento sa korte.

Samantala, sumipot at sumalang sa unang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) ang dalawang dating district engineers ng DPWH, na tinaguriang “BGC Boys,” sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza. Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, may kaugnayan ang imbestigasyon sa tatlong kaso kung saan sangkot ang Wawao Builders at Top Notch Construction, na konektado rin sa mga maanomalyang flood control projects.

Ipinaliwanag ni Martinez na ang mga kasong ito ay ibinalik ng Office of the Ombudsman sa DOJ para magsagawa ng karagdagang imbestigasyon, hiwalay pa sa limang iba pang kaso kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa Bulacan kung saan sangkot ang SYMS Construction. Tatlo sa limang kaso ang kasalukuyang isinusumite para sa resolution ng DOJ.

(JULIET PACOT)

110

Related posts

Leave a Comment