PLM, UdM STUDENTS, LGU WORKERS, HEALTH PERSONNEL PALDO SA INSENTIBO SA MAYNILA

INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na aabot sa P648.8 milyong cash aid ang ilalabas sa susunod na mga araw o bago mag-Pasko para sa benepisyo at insentibo ng mga estudyante ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM) at Unibersidad de Manila (UdM), local government units workers at health personnel.

Sa flag raising ceremony nitong Lunes, una munang pinasalamatan ng alkalde ang mga nagbabayad ng buwis at negosyo sa lungsod at sa pagsuporta sa mga programa ng lokal na pamahalaan.

“Itong P648 million saan galing? Gusto ko lang ipaliwanag sa inyo ng konti. Sa mga nagbabayad ng buwis. Kaya ako naman, buong kababaang-loob, nakikiusap ako sa bawat isa sa inyo: kapag may taxpayer tayong kausap o mamamayan na ating pinaglilingkuran, pakitunguhan niyo naman nang maayos dahil ang buhay natin ay nakasalalay sa pagtitiwala nila na ibigay ang kanilang hard-earned money upang ibayad bilang obligasyon sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” saad ng alkalde.

Inihayag ni Domagoso ang P302.18 milyon na insentibo para sa mga regular employee ng lungsod—kasama ang mga co-terminous na empleyado at mga halal na opisyal—na sumasaklaw sa retroactive salary adjustments sa ilalim ng ikalawang tranche ng Salary Standardization Law, pati na rin ang mga insentibo sa medical, produktibidad, at pagkilala sa serbisyo.

Ang mga karapat-dapat na mga tauhan ay makatatanggap ng P7,000 medical allowance, P5,000 Productivity Enhancement Incentive, at P10,000 Service Recognition Incentive, na ilalabas mula Disyembre 15 hanggang 23.

Ang mga manggagawa na job order at contract of service ay makatatanggap ng P66 milyon sa gratuity pay, na may P7,000 bawat isa, ayon kay Mayor Isko.

“Ipinagpapasalamat natin ito kay Pangulong Bongbong Marcos. Inaantabayanan ko ‘yung kanyang announcement (sa Administrative Order No. 39 at 40). Noong Biyernes, nagawa na ng Administrative Order si President Marcos. Eh ang hindi alam ng Presidente, naggagayak na tayo. Nag-aantay na lang tayo ng go signal niya. So palakpakan natin si President Marcos,” dagdag pa ni Mayor Isko.

Para sa health workers, maglalabas ang Lungsod ng P128.13 milyon sa PhilHealth professional shares para sa mga tauhan ng mga pampublikong ospital sa Manila at Manila Health Department, na sumasaklaw sa mga koleksyon mula Hulyo hanggang Nobyembre 2025.

Sinabi rin ng Mayor Isko na ang P100 milyon sa PhilHealth additional sharing ay mula sa mga hindi naipamahaging koleksyon, na makikinabang ang mga medical, non-medical, barangay health workers, nutrition scholars, at support personnel.

Sa ilalim ng College Student Assistance Program, ang lungsod ay magpapamahagi ng P46.03 milyon sa 18,235 estudyante ng Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, na sumasaklaw sa mga allowance para sa mga akademikong buwan mula Hulyo hanggang Setyembre 2025.

Karagdagan pang P6.5 milyon ang ilalabas sa ilalim ng College Subsidy Program para sa Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), na sumasaklaw sa ikatlong quarter ng 2025.

(JOCELYN DOMENDEN)

60

Related posts

Leave a Comment