PINALAGAN ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Martes ang “mapanganib” at “di-makataong” kilos ng China laban sa mga Pilipinong mangingisdang naghahanapbuhay malapit sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon kay Teodoro, nasira ang ilang bangkang pangisda bunsod ng water cannon at pagputol ng anchor lines, habang tatlong mangingisda ang nasugatan at nangangailangan ng lunas.
“Mahigpit na kinokondena ng Department of National Defense ang mapanganib at di-makataong aksyon ng Chinese maritime forces… Ang paggamit ng water cannon, agresibong manobra, at pagputol ng anchor lines na nagdulot ng pinsala sa mga Pilipinong sibilyan ay labag sa tungkulin ng bawat Estado na tiyakin ang kaligtasan ng buhay ng tao,” ani Teodoro.
Tinawag niyang maling pahayag ang alegasyon ng China na nagbanta ang mga mangingisda gamit ang kutsilyo, at hinikayat ang Beijing na itigil ang pagkalat ng maling impormasyon. Iginiit din niya na may karapatan ang pandaigdigang komunidad na ipagtanggol ang batas sa karagatan at kaligtasan ng sibilyan.
Ang Escoda Shoal ay nasa halos 140 kilometro mula sa Palawan, sa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Binanggit ni Teodoro na ilegal ang pag-angkin ng China sa soberanya at nasasaklaw ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng 2016 Hague arbitral ruling na pabor sa Pilipinas.
Kasabay nito, kinondena rin ng Estados Unidos at Canada ang paggamit ng water cannons at pagputol ng anchor lines ng China. Ayon kay Canadian Ambassador David Hartman, “seriously concerned by the Chinese Coast Guard’s aggressive actions against Filipino civilian fishing vessels near Sabina Shoal.”
Samantala, sinabi ni US Department of State Principal Deputy Spokesperson Thomas Pigott na “The US stands with the Philippines as they confront China’s provocative actions and increasingly dangerous tactics against its neighbors, which undermine regional stability. These aggressive actions endangered Filipinos fishing for their livelihoods.”
Idinagdag naman ni U.S. Ambassador Mary Kay Carlson na ang mga aksyong ito ay direktang nagbabanta sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
(JESSE RUIZ)
103 