QC REP. PM VARGAS ‘DI PA SAFE SA DISCAYA PROJECT?

SA kabila ng patuloy na pagtanggi ni Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael “PM” Vargas na may proyekto sa kanyang distrito ang mga kumpanyang iniuugnay sa mag-asawang Curlee at Sarah Discaya, naglabas ng mga dokumento ang isang dating konsehal na pinasisinungalingan ang pahayag ng mambabatas..

Ayon kay former Quezon City Councilor Allan Butch Francisco, hawak niya ang mga opisyal na dokumento mula mismo sa Department of Public Works and Highways–National Capital Region, Quezon City First District Engineering Office (DPWH-NCR-QC1DEO) na nagpapakita ng isang proyekto sa QC District 5.

Kabilang sa mga dokumento ang Post-Contract Award Disclosure ng DPWH-NCR-QC1DEO para sa Item No. 84, Contract No. 220F0112, na may proyektong Construction of Lagro Multi-Purpose Building, Quezon City, na may approved budget na P34.3 milyon at contract amount na P33.271 milyon.

Batay sa rekord, ang nanalong bidder ay St. Matthew General Contractor & Development Corp./Steelman Builders Corp., na may contract period na 360 araw. Ang Notice of Award ay inilabas noong Pebrero 22, 2022, habang ang Notice to Proceed ay inilabas noong Pebrero 24, 2022 at pinirmahan ni dating District Engineer Loida Busa.

Nakuha rin ni Francisco ang Contract Agreement na pinirmahan nina Busa, Lorna Macabulos ng Administrative Section, at Anastacio De Guzman, Accountant III, bilang mga saksi noong Pebrero 23, 2022, pati ang iba pang dokumentong umano’y nagpapatunay sa implementasyon ng proyekto.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Francisco ang sertipikasyong inilabas ng DPWH-NCR-QC1DEO na may petsang Setyembre 10, 2025, na pinirmahan ni District Engineer Arturo Gonzales Jr. Ayon sa sertipikasyon, walang naitalang kontrata ang DPWH QC1DEO na naipagkaloob sa siyam na kumpanyang iniuugnay sa mga Discaya sa loob ng 5th Congressional District ng Quezon City.

Ang nasabing sertipikasyon ay ipinakita at ibinahagi mismo ni Rep. Vargas sa isang Facebook post.

Giit ni Francisco, malinaw sa mga dokumentong hawak niya na ang Construction of Lagro Multi-Purpose Building sa Barangay Lagro, Quezon City ay sakop ng 5th Congressional District ni Rep. Vargas.

Batay pa sa rekord, ang Authorized Managing Officer ng St. Matthew General Contractor & Development Corp. ay si Kirstine Mae M. Tumpalan, na pinaratangang “dummy” ng mga Discaya.

Nanawagan si Francisco kay Engr. Gonzales Jr. na magpaliwanag at linawin ang hindi pagkakatugma ng inilabas nitong sertipikasyon at ng mga dokumentong nagmumula mismo sa DPWH.

Kaugnay nito, kamakailan ay inutusan ng DPWH ang ilang regional directors at district engineers na magpaliwanag hinggil sa umano’y “lavish lifestyle” at pagkakasangkot sa substandard o ghost projects.

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, naglabas ang ahensiya ng show cause order laban sa unang batch ng mga opisyal, kabilang si Engr. Gonzales Jr. at siyam na iba pa, kaugnay ng mga nabigong proyektong pang-imprastraktura at posibleng paglabag sa code of conduct.

Nauna nang idinawit ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya si Rep. Vargas sa umano’y paniningil ng komisyon mula sa kanilang mga proyekto sa DPWH—mga alegasyong mariing itinanggi ng mambabatas.

(JOEL A. AMONGO)

103

Related posts

Leave a Comment