PALASYO SA ULAT NA ISIS TRAINING HOTSPOT ANG PH: MISLEADING

KINONTRA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtawag sa Pilipinas bilang isang “ISIS training hotspot” kasunod ng ulat na ang mga suspek sa pamamaril sa Bondi Beach sa Australia ay bumisita umano sa bansa.

Sa isang press briefing sa Malacañang, hiningan ng reaksyon si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro hinggil sa naturang ulat.

Ayon kay Castro, mahigpit na tinatanggihan ng Pangulo ang umano’y sweeping statement at maling paglalarawan sa Pilipinas bilang sentro ng pagsasanay ng ISIS.

“Of course, the President strongly rejects this sweeping statement and the misleading characterisation of the Philippines as an ISIS training hotspot,” ani Castro.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng National Security Council (NSC), sa isang kalatas na binasa rin ni Castro, na misleading ang naturang characterisation.

Dagdag pa ni Castro, wala umanong validated report o kumpirmasyon na ang mga sangkot sa insidente sa Bondi Beach ay nakatanggap ng anomang uri ng pagsasanay sa Pilipinas.

Patuloy aniya ang beripikasyon ng mga awtoridad sa lahat ng impormasyong natatanggap, subalit sa ngayon ay walang ebidensiyang nagpapatunay na ginagamit ang bansa bilang lugar para sa terrorist training.

Binigyang-diin din ni Castro na simula ng Marawi siege, malaki na ang na-degrade ng Philippine law enforcement agencies sa mga grupong may kaugnayan sa ISIS sa bansa.

Samantala, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na bumisita sa Pilipinas noong Nobyembre ang umano’y mag-amang suspek sa pamamaril sa Bondi Beach, na ikinasawi ng 16 katao at ikinasugat ng mahigit 40 iba pa.

Ito ay kasabay ng isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa Australia upang matukoy kung bakit nagtungo sa Pilipinas at ano ang ginawa ng mga suspek na sina Sajid Akram, 50, at ang anak nitong si Naveed Akram, 24.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), batid nila ang mga ulat ng media hinggil sa posibleng koneksyon ng mag-ama sa mga teroristang grupo. Gayunman, sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na wala pa silang validated information upang kumpirmahin ang naturang mga ulat.

(CHRISTIAN DALE)

83

Related posts

Leave a Comment