PINAKAKALMA ng National Security Council (NSC) at maging ng pamunuan ang Armed Forces of the Philippines ang pangamba sa seguridad matapos kumpirmahin na nanatili sa Pilipinas nang halos isang buwan ang mag-amang gunmen na nasa likod ng mass shooting sa Bondi Beach sa Sydney, bago lumipad patungong Australia.
“The Philippines strongly rejects the sweeping and misleading insinuations that the 2 gunmen who went on a killing spree in Bondi Beach earlier this week had traveled to the Philippines to train with groups linked to the Islamic State of Iraq and Syria (ISIS),” ayon sa NSC.
Nilinaw ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner na patuloy pang iniimbestigahan ng mga ahensya ng gobyerno at maging ng police and military intelligence ang dahilan at maging ang naging movement ng mag-amang suspek sa mass shooting.
Ayon kay Brawner, patuloy ang ginagawa nilang imbestigasyon hinggil sa sinasabing pagbiyahe ng mga suspek sa Pilipinas bago ang naganap na shooting spree.
Nilinaw rin ng pamunuan ng AFP na hindi kumpirmado ang ulat na posibleng nag-training sila sa Pilipinas, ito ay matapos na ilabas ng local media sa Australia ang posibilidad na pagsasanay ng mga suspek sa local terrorist group sa bansa.
Ayon kay AFP spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla, base sa kanilang intelligence network sa Davao kung saan sinasabing nagtungo ang mga suspek, wala umanong na-monitor na may naganap na pagsasanay roon at wala na rin umanong significant number ng terrorist sa rehiyon.
Nabatid kay Col. Padilla at maging kay AFP Public Affair Office chief, Col. Xerxes Trinidad, mula sa mahigit 1,000 extremist noong 2016 ay nasa mahigit 50 terorista na lamang ang nalalabi sa Mindanao.
Malabo rin umano ang isyu ng training dahil kung tactical at marksmanship training ang pakay ng mag-amang shooters ay hindi sapat ang isang buwang pagsasanay, bukod sa hindi naman kumpirmado pa ang naging pakay nila sa pagbisita sa Davao.
Ayon kay Col. Trinidad, “Well, first all these are just speculations and, on the part, assuming immediately. So how fast is that particular claim of immediately mentioning that they did have particular training? Maybe they have the better answer for their particular evidence on that.”
Subalit inulit nito na ang AFP kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno kabilang kanilang intelligence community, ay patuloy tinututukan ito.
“So ‘yun nga ano ang sinabi ko, we we will not speculate on their activities. Our intelligence operatives are at work ano, as of this time. Maganda po ang coordination natin with different agencies, both local and international po,” ani Col. Padilla.
Ang ama at anak na gunmen, sina Sajid at Naveed Akram, ay iniulat na bumisita sa Pilipinas noong nakaraang buwan, ngunit patuloy pa rin ang imbestigasyon sa layunin ng kanilang pagbisita.
“The President strongly rejects the sweeping statements and the misleading characterization of the Philippines as the ISIS training hotspot,” pahayag naman ng Malacañang.
Wala umanong kumpirmadong impormasyon na nagsasabing nagdulot sila ng banta sa seguridad, at hindi ito itinuturing na seryoso o agarang panganib.”
Nanatiling aktibo ang mga standard na seguridad, imigrasyon, at counterterrorism protocols, at may koordinasyon sa Australian authorities.
Ayon sa Bureau of Immigration, pumasok sa Pilipinas sina Sajid Akram, 50, at anak niyang si Naveed, 24, noong Nobyembre 1 at iniulat ang Davao bilang huling destinasyon bago umalis noong Nobyembre 28 patungong Sydney.
Nagkasundo ang Pilipinas at Australia na magpalitan ng impormasyon sa imbestigasyon ng Bondi Beach shooting, ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA).
(JESSE RUIZ)
62
