IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng filing period para sa hospital reimbursement claims hanggang 120 araw, bilang hakbang upang mabawasan ang pagkaantala sa PhilHealth payments at matulungan ang mga health facility na makarekober mula sa mga denied claims.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang na napagpasyahan ang hakbang matapos ang konsultasyon ng Pangulo sa Department of Health (DOH) at PhilHealth, kasunod ng ulat na mahigit P1 bilyon na halaga ng return-to-hospital (RTH) claims at iba pang reimbursements ang hindi agad nababayaran.
Ayon kay Castro, sa ilalim ng tinawag na “claims flexibility,” binigyan ang mga ospital ng mas mahabang panahon upang kumpletuhin at maisumite ang mga kinakailangang dokumento.
“Pinag-utos din po ng Pangulo na i-extend ang maaaring period para makapag-claim ang ibang ospital… na-extend po ito up to 120 days,” ani Castro.
Idinagdag niya na layon ng adjustment na matiyak na matutupad ng PhilHealth at DOH ang kanilang mga obligasyon habang binibigyan ng sapat na pagkakataon ang mga ospital na makasunod sa documentation requirements.
Ipinaliwanag pa ni Castro na ayon sa DOH, maraming claims ang na-deny o naibalik dahil sa kabiguang makapagsumite ng kumpletong dokumento sa loob ng itinakdang panahon.
Samantala, sinabi ni Castro na inatasan na rin ng Malacañang ang DOH na ayusin ang mga isyu sa record-keeping, kasunod ng mga ulat hinggil sa denied claims at imbentaryo ng mga expired na gamot.
(CHRISTIAN DALE)
102 