LCSP: BENEPISYO HINDI INTRIGA SA LIBRENG SAKAY SA LGBTQ

PARA sa Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), mas dapat pagtuunan ng pansin ang benepisyo ng libreng sakay sa iba’t ibang sektor kaysa gawing isyu ang pagsama ng LGBTQ community sa programa.

Naging kontrobersyal ang pagsasama ng LGBTQ sa “12 Days of Christmas” libreng sakay sa MRT at LRT, kung saan may ilang nagtatanong kung kailangan bang ideklara ng pasahero ang kanilang SOGIE o magpakita ng patunay. Nilinaw naman ng Department of Transportation (DOTr) na walang kailangang ideklara o ipakitang dokumento—sapat na sabihin ng pasahero na sasakay siya sa libreng sakay, at wala nang karagdagang tanong.

Ayon sa DOTr, iba ito sa mga sektor tulad ng senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, estudyante, guro, health workers at government employees na may kani-kaniyang identification cards.

Kaugnay nito, sinabi ni LCSP president Atty. Ariel Inton na maaaring may sapat na dahilan ang DOTr sa tahasang pagsama ng LGBTQ sa programa, kahit pa kabilang na ang ilan sa kanila sa ibang sektor gaya ng estudyante o guro.

Hindi rin ito ang unang pagkakataon na naging kontrobersyal ang pagbibigay ng prayoridad sa LGBTQ. Noong 2023, naglagay ang isang regional office ng Land Transportation Office (LTO) ng LGBTQ priority lane signage kasama ng senior citizens, PWDs at mga buntis. Tinuligsa ito ng grupong Bahaghari, na iginiit na ang pagiging bahagi ng LGBTQ ay hindi pisikal na kondisyon upang ituring na priority sector. Kalaunan ay humingi ng paumanhin ang LTO at agad na inalis ang naturang signage.

Ayon pa sa LCSP, ang kasalukuyang libreng sakay para sa LGBTQ ay hindi nakabatay sa pisikal na limitasyon o karamdaman, kundi bahagi ng pagbibigay ng “munting pamasko” ng DOTr sa piling sektor. Hangga’t walang diskriminasyon o masamang intensyon at malinaw na mabuti ang layunin ng programa, hindi na umano ito dapat mabalot pa ng kontrobersiya.

64

Related posts

Leave a Comment