INIHAIN ni Senador Erwin Tulfo ang Senate Bill No. 1625, na kilala bilang “West Philippine Sea (WPS) Education Act,” na naglalayong isama sa kurikulum ng basic at higher education ang mga aralin at materyales hinggil sa West Philippine Sea.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) na gawing opisyal na bahagi ng kanilang mga kurikulum ang isang komprehensibong WPS Education and Awareness Program.
Ayon kay Tulfo, mahalagang mabigyan ng sapat at tamang kaalaman ang mga Pilipino upang mapalakas ang kanilang kakayahang ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa WPS. Aniya, ang pagkakaroon ng tamang impormasyon ay maghihikayat sa mas aktibong pakikilahok ng mamamayan sa pangangalaga ng soberanya ng Pilipinas.
Binanggit din ng senador ang mga insidente ng agresyon sa Escoda Shoal na umano’y nagdulot ng pananakit sa mga mangingisdang Pilipino. Iginiit niya na hindi dapat manatiling tahimik ang bansa habang patuloy na naaapektuhan ang mga Pilipinong nagbabantay at nangingisda sa WPS.
Nakasaad sa panukalang batas na makikipagtulungan ang DepEd at CHED sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA), National Security Council (NSC), Department of Foreign Affairs (DFA), at iba pang kaukulang ahensya ng gobyerno upang bumuo ng standardized at updated na learning materials ukol sa WPS. Kabilang din sa mandato ang pagsasagawa ng capacity-building programs para sa mga guro at ang pagtiyak sa pagkakaroon ng accessible na digital at printed community-based learning resources.
Layunin din ng panukala ang paglulunsad ng isang pambansang kampanya para sa impormasyon at pananaliksik upang palawakin ang kamalayan ng publiko sa maritime rights ng Pilipinas, proteksyon ng mga marine ecosystem sa WPS, at pagpapalalim ng pampublikong diskurso hinggil sa mga isyu sa nasabing karagatan.
Ayon kay Tulfo, nananatiling limitado ang kaalaman at pag-unawa ng publiko sa kahalagahan ng West Philippine Sea, sa kabila ng kritikal na papel nito sa soberanya at seguridad ng bansa, kaya’t kinakailangang paigtingin ang edukasyon at impormasyon ukol dito.
69 