PUMANAW kahapon si Antipolo City 2nd District Rep. at dating police general Romeo Acop sa edad na 78.
“Sadly, he has really passed on. Our hearts are broken. He was a friend for more than 25 years and a devoted, courageous, honest public servant,” pahayag ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo “Ronnie” Puno.
Batay sa mga ulat, natagpuan umanong walang malay si Acop sa sahig ng kanyang silid sa loob ng kanyang bahay bandang alas-10:12 ng gabi ng Disyembre 20. Ang mambabatas ay nadiskubre ng kanyang duty nurse, na agad humingi ng saklolo sa pamamagitan ng pagpindot sa doorbell sa loob ng kuwarto.
Agad rumesponde si Patrolman Frank Louie Pastrana at sinamahan ng anak ng mambabatas na si Dr. Karla Marie Acop sa pagdadala sa kanya sa pinakamalapit na pagamutan. Dumating sila sa Assumption Hospital bandang alas-10:20 ng gabi, kung saan idineklara ni Dr. Hanz Leo Cris Clemente na wala na itong buhay dakong alas-10:56 ng gabi.
Si Acop ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1970 “Magiting” at nagsilbing hepe ng Philippine National Police–Criminal Investigation Service (CIS), na ngayon ay kilala bilang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Matapos ang kanyang karera sa pulisya, pumasok si Acop sa pulitika at nahalal bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Antipolo City noong 2010. Nagsilbi siya ng tatlong magkakasunod na termino bago pinalitan ng kanyang misis noong 2019. Muli siyang nahalal noong 2022 at 2025.
Kamara, Nagluksa
Nagluksa ang mga lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagpanaw ni Acop, na inilarawan bilang isa sa mga masipag at aktibong miyembro ng Kamara.
“Lubos na nagdadalamhati ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa pagpanaw ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Macusi Acop, isang lingkod-bayang tapat, matapang at may matibay na paninindigan,” pahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Ayon naman kay House committee on human rights chairman at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., “Rep. Acop was not only a colleague, but a principled partner in our work at the Quad Committee. He consistently stood on the side of justice and never lost sight of the victims.”
“He was firm but fair. He asked the hard questions, but always within the bounds of decency and institutional respect,” pahayag ni Leyte Rep. Martin Romualdez.
“His passing leaves a void that cannot be filled. The halls of Congress are quieter without his steady presence and unwavering sense of duty,” ani Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, bilang pag-alala sa yumaong mambabatas.
(BERNARD TAGUINOD)
45
