TARGET ni KA REX CAYANONG
HINDI katanggap-tanggap. Ito ang malinaw at matapang na reaksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng paggamit ng ilang dayuhang media sa terminong “ISIS training hotspot” para ilarawan ang Pilipinas.
Sa isang iglap, sinikap ng ganitong paglalarawan na burahin ang mga taong sakripisyo, pawis, at dugo na inialay ng ating mga sundalo, pulis, at security forces upang mapanatili ang kapayapaan ng bansa.
Tama ang Pangulo na hindi maaaring hayaang ang Pilipinas ay husgahan batay sa espekulasyon at walang sapat na batayan.
Sa kanyang talumpati sa anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP), malinaw na ipinaalala ni Pangulong Marcos ang matagal at tuluy-tuloy na laban ng pamahalaan kontra terorismo.
Hindi ito bagong laban, at lalong hindi ito pabaya. Sa loob ng mga nagdaang taon, sistematikong binuwag ang mga teroristang grupo, pinatatag ang intelligence operations, at pinalakas ang seguridad hanggang sa antas ng komunidad. Ang kapayapaan na tinatamasa ngayon ng marami ay hindi aksidente kundi ito ay bunga ng disiplina, koordinasyon, at matatag na pamumuno.
Mahalaga ring bigyang-diin ang balanseng tindig ng Pangulo.
Mariing tinutulan ni PBBM ang maling naratibo, ngunit nananatiling alerto sa mga posibleng banta. Ito ang uri ng pamumunong hindi nagiging kampante, ngunit hindi rin nagpapadala sa takot o paninira.
Sa halip, pinipili nitong patatagin ang loob ng sambayanan at ipakita sa mundo na ang Pilipinas ay isang bansang marunong magbantay, kumilos, at manindigan.
Samantala, sa ganitong konteksto rin mas nauunawaan ang pananaw ni Ilocos Norte First District Representative Sandro Marcos hinggil sa pulitika at serbisyo-publiko.
Sa kanyang pahayag na ang Pangulo—ang kanyang ama—ang nagsisilbi niyang pangunahing gabay at mentor, makikita ang malinaw na linya ng pagpapahalaga.
Siyempre, pamumunong may prinsipyo, may paninindigan, at may malasakit sa bansa. Hindi ito usapin ng apelyido, kundi ng pamana ng pananagutan.
Si Cong. Sandro ay kumakatawan sa isang henerasyong hinuhubog hindi lamang ng ambisyon, kundi ng halimbawa. Ang inspirasyong nagmumula sa isang lider na marunong tumindig laban sa maling akusasyon, habang pinangangalagaan ang seguridad at dignidad ng bansa, ay isang aral na higit pa sa pulitika kundi ito ay aral na may kinalaman sa paglilingkod.
Hindi dapat ikulong ang Pilipinas sa mga label o bansag na nilikha ng dayuhang lente. Ito ay isang bansang patuloy na lumalaban para sa kapayapaan, pinangungunahan ng isang Pangulong hindi natitinag sa harap ng maling paratang, at sinusuportahan ng mga lider—bata man o beterano—na handang ipagpatuloy ang pamana ng matatag, makatao, at makabayang pamumuno.
83
