AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
BAGAMA’T maraming naging kontrobersiya ngayong taon (2025) na ating nasaksihan sa mga opisyal ng pamahalaan at ilang elected officials, maraming Pilipino pa rin ang umaasa at naniniwala na sa pagpasok ng bagong taon ay nagkakaroon sila ng panibagong pag-asa.
Subok na matatag at matibay ang mga Pinoy, kaya kahit anong hirap ang ating hinaharap ay nalalagpasan pa rin natin.
Sa mga mahihirap, kapag natikim sila ng tagumpay ay bonus na sa kanila ‘yun kasi sanay na sila kahirapan.
Kadalasan nagkakaroon tayo ng problema sa mga namumuno sa ating bansa dahil sa ginagawa nilang korupsyon katulad ng nangyari sa maanomalyang flood control projects na ang mga may kagagawan ay ang mga mambabatas pa.
Sila pa ang nakipagsabwatan sa ilang tiwaling engineers at matataas na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Commission on Audit (COA) at iba pang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa infrastructure projects.
Kung naging tapat sana ang mga mambabatas sa kanilang trabaho, wala sana tayong problema at siyempre aangat ang ating bansa.
Ang problema nga lang sa mga politikong Pinoy ay wala silang takot na maparurusahan sila ng batas dahil alam nilang kaya nilang bayaran ang mga nagpapatupad nito at uusig sa kanila.
Wala rin sila pakialam at malasakit sa kapwa nila Pilipino, basta ang alam nila ay sila ang mga boss natin.
Baliktad na ang nangyayari ngayon, wala na ang tinatawag na ‘public office is a public trust’, hindi na pinagkakatiwalaan ang mga gumagawa ng batas at mga nanunungkulan sa opisina ng gobyerno.
Obyus na sinindikato na ang pondo ng gobyerno ng mga mambabatas, COA at implementing agency ng pamahalaan katulad ng DPWH. Nagsabwatan sila kaya nangyari ang maanomalyang flood control projects.
Inaasahan na lang natin na makonsensya ang mga gumagawa ng masama at darating ang panahon na hindi na sila papayagan ng nasa itaas na magpatuloy ang kanilang kalokohan na makapeperwisyo sa maliliit na mga tao.
Walang forever lalo na kung ang ginagawa mo ay masama, darating at darating ang panahon na patitigilin ka ng Amang nasa langit.
Ang pinakamahalaga sa atin ay idulog natin sa Ama ang ating mga ginagawa at ipanalangin natin ang mga gumagawa ng masama para matigil na ang kanilang kalokohan.
Kaya kailangan nating makilahok, makialam, bantayan natin ang mga namumuno, gamitin natin ang social media para punahin ang mga maling gawain ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kung kinakailangan nating sumama sa mga kilos-protesta para lang maipakita natin ang pagtutol sa mga maling gawain ng mga nasa pamahalaan, ay gawin natin.
Hindi nila pera ang kanilang pinakikialaman kundi mula sa buwis ng mga Pilipino kaya dapat ‘wag tayong pumayag na kunin nila ito.
Sa laki ng pondo ng DPWH infra projects simula noong taong 2023, 2024 hanggang ngayong 2025, umabot ito ng mahigit sa isang trilyong piso na hindi dapat itong palagpasin.
Nakasaad sa batas, sa P50-M na ninakaw ay plunder na ang kaso, paano pa kaya ang bilyun-bilyong pisong nawala sa kaban ng bayan?
Magbago na kayo, sa bagong taon!
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.
85
