NAHAHAWAAN NA BA TAYO NG KAUGALIAN NG MGA HAPON AT KOREANO?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NA-PUNA natin na tila nagbabago na ata ang pananaw ng mga Pilipino sa nangyayaring korupsyon sa pamahalaan.

Nitong nakaraan ay natagpuan ang bangkay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina “Cathy” Cabral sa malalim na bangin sa Tuba, Benguet na hindi pa natin malaman kung nagpakamatay o itinulak na naging dahilan pagkalaglag niya.

May foulplay man o wala sa pagpanaw ni Usec. Cabral, maaaring ang naging dahilan ay ang pagkakadawit niya sa bilyun-bilyong pisong maanomalyang proyekto na ipinatutupad ng DPWH.

Matatandaang kamakailan, sinabi ng driver ni Usec. Cabral na nagtungo sila sa Baguio City ng kanyang amo ngunit hindi niya alam ang kanilang pakay.

Bago pa man sila makarating sa Baguio City ay nagpababa si Usec. Cabral sa Tuba, Benguet at sinabing magpapahangin muna siya at sinabihan ang driver na iwanan muna siya sa lugar.

Makalipas ng ilang oras ay bumalik na sa lugar ang driver ngunit hindi niya na nakita ang kanyang boss (Cabral) kaya bumalik siya sa hotel na kung saan nag-check in ang opisyal ng DPWH, subalit hindi niya ito nakita roon.

Muli siyang bumalik sa lugar kung saan niya iniwan si Usec. Cabral, subalit hindi pa rin ito nakita kaya nagpatulong na siya sa mga awtoridad hanggang sa nakita nila ang bangkay nito sa malalim na bangin sa Tuba, Benguet.

Bagama’t nakita ang bangkay ni Cabral sa lugar ay hindi pa rin kumbinsido si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na si Usec. Cabral nga ang nakuha kaya ipinasailalim pa ito sa DNA at awtopsiya para masigurong si Usec. Cabral ang bangkay.

Kamakalawa, kinumpirma na ni DILG Sec. Remulla na lumabas sa kanilang pagsusuri na si Usec. Cabral nga ang nakitang bangkay sa nabanggit na malalim na bangin.

Sinabi naman ni Assistant Ombudsman Mico Clavano, kahit namatay na si Usec. Cabral ay maaari pa ring bawiin o kumpiskahin ang pera na mapatutunayang nakuha nito mula sa kaban ng bayan habang siya ay nanunungkulan sa DPWH.

Si Usec. Cabral ay kasama ni DPWH Usec. Roberto Bernardo na tinawag na mga principal sa flood control scandal na umaami ngayon ng mga pag-PUNA mula sa mga Pilipino.

Marami namang nanghihinayang sa nangyari kay Usec. Cabral dahil isa sana siyang pwedeng magturo ng matataas na mga opisyal ng gobyerno at mga mambabatas na kumukuha ng komisyon mula sa maanomalyang mga proyekto ng DPWH.

Ang pagpanaw ni Usec. Cabral ay halos katulad ng nangyari kay dating AFP Chief of Staff Gen. Angelo Reyes na nagbaril sa sarili matapos madawit ang pangalan sa korupsyon sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Wala ring nagawa ang bodyguard o kasama ni Gen. Reyes sa pagpapaputok nito sa sarili sa baril nakalagay sa gitna ng libro.

Hindi nakayanan ni Gen. Reyes ang pressure mula sa mga kasamahan at mga Pilipino nakasubaybay sa usapin ng korupsyon ng panahon na iyon, imbes harapin niya ang imbestigasyon ay mas minabuti niyang wakasan ang kanyang buhay.

Ang alam nating may kaugalian ng ganitong style ng pagkitil ng sariling buhay kapag naiipit na sa kontrobersiya, ay ang mga bansang Japan at Korea.

Unti-unti na bang tinatablan ang lahing Pinoy ng ganitong klaseng kahihiyan?

Sa ganang akin, mas makabubuti na lang na harapin natin ang mga inaakusa laban sa atin kaysa kitilin ang sarili nating buhay.

Mas makabubuti na itinuro na lang ang mga kasabwat at maaari ka pang gawing state witness ng pamahalaan laban sa mastermind ng katiwaliang kinasasangkutan.

Sa mata ng Panginoon ay malaking kasalanan ang pagkitil sa sariling buhay.

Merry Christmas po sa ating lahat at sabay-sabay nating salubungin ang Bagong Taon nang ligtas at masagana!

oOo

Para sa suhestiyon at reklamo, mag-email sa operarioj45@gmail.com

97

Related posts

Leave a Comment