REGALONG HINDI NABIBILI

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MAGANDANG mensahe ang ibinahagi ni Pope Leo XIV bago sumapit ang Kapaskuhan. Simple pero may kurot, at tumatagos. Sa panahon na ang Pasko ay sinusukat sa dami ng handa at laki ng gastos, binaligtad ng Santo Papa ang pamantayan. Aniya, kapayapaan ang tunay na regalo.

“Before the holy night of #Christmas, find one person with whom to make peace.” Post ng Santo Papa sa social media.

Isang pangungusap, isang hamon. Hindi ito paanyaya sa engrandeng ritwal, kundi sa isang tahimik ngunit matapang na hakbang—ang makipagkasundo. Sa isang lipunang sanay sa tampuhan, bangayan sa social media, at walang katapusang “resibo,” ang pakikipagbati ay nagiging radikal na gawain.

Mas tumitindi ang bigat ng mensahe sa kasunod na linya: “This will be a more precious gift than any that can be bought, because peace is a gift found only in the heart.” Sa gitna ng sale, wishlist, at checkout, pinaalala sa atin na may regalong hindi nadaraan sa pera. Regalong nagsisimula sa loob, at doon din nananatili.

Hindi madali ang kapayapaan. May kaakibat itong pagpapakumbaba, pag-amin, at minsan, pagbitaw. Ngunit sa Pasko, kung kailan sinasabing ang liwanag ay pumasok sa dilim, marahil ito ang pinakaangkop na panahon para magbukas ng pinto kahit maliit lang para sa pagkakasundo.

Kung may isang taong matagal nang hindi kinakausap, may isang hidwaang kinimkim, o may salitang matagal nang hindi nasabi, baka iyon na ang iyong Pamaskong misyon. Walang ribbon, walang kahon pero may himala.

Tama ang Santo Papa: ang kapayapaan ay hindi binibili. Ito’y pinipili. At kapag pinili, nagiging regalo. Hindi lang para sa kausap mo, kundi para sa sarili mo rin.

Nawa’y masumpungan nating lahat ang kapayapaang iyon sa ating pagsalubong sa panibagong taon.

80

Related posts

Leave a Comment