MERRY ANG CHRISTMAS NG MGA CORRUPT

DPA ni BERNARD TAGUINOD

TULAD ng inaasahan, naging Merry ang Christmas ng mga corrupt officials lalo na ‘yung sangkot sa flood control at iba pang infrastructure projects na pinagkakitaan nila sa mahabang panahon na naging dahilan kaya marangya ang pamumuhay ng kanilang pamilya.

Malamang ay naging masagana ang hapag-kainan ng powerful politicians noong Pasko at marami sa kanila ang lumabas ng bansa para magdiwang sa malalamig na mga lugar gamit ang ninakaw nila sa sambayanang Pilipino.

Ang tanging hindi Merry ang Christmas ay ‘yung mga contractor at engineers ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakakulong ngayon dahil hindi tulad ng mga politiko, limitado ang kanilang power.

Ang problema kay PBBM, nangako na hindi magiging Merry ang Christmas ng mga sangkot dahil makukulong sila, kaya umasa ang sambayanang Pilipino na pinagnakawan, na may mga buwitre at malalaking isda ang magpa-Pasko sa kulungan.

Pero binigo ni PBBM ang sambayanang Pilipino dahil tanging si Sarah Discaya at ‘yung pinsan niya sa mga contractor, ang nakakulong at mas marami pa ang nasa labas na malamang ay nagdiwang din ng masaganang Pasko.

Mas marami pang DPWH engineers ang nakakulong na dapat lang naman dahil marami rin sa mga ito ang namuhay nang marangya pero sina Henry Alcantara, Brice Hernandez at iba pa ay nasa Senate Detention cell pa rin na hindi hamak mas mas maganda ang kanilang kalagayan kaysa roon sa mga nasa kulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Kailangang bumawi si PBBM sa susunod na taon at siguraduhin na may mga big fish ang makukulong dahil kung hindi ay walang maniniwala na seryoso siya na linisin ang gobyerno sa katiwalian.

Hindi ko lang alam kung papaano gagawin ‘yan ng Pangulo lalo na’t lumalabas na halos lahat ata sa paligid niya ay may insertions sa 2025 national budget at mas malalaki pa kung tutuusin kumpara sa insertions ng mga ordinaryong congressman.

Mantakin mo tig-P8 billion ang insertions ng dalawang Gabinete ni Junior na may inisyal na ES at SAP, habang P30 billion naman daw kay dating DPWH Secretary Manuel Bonoan na nasa Amerika na at tila walang balak na bumalik.

Ang mga ordinaryong congressman ay masaya na kapag may P1 bilyong halaga ng proyekto na maiiuwi sa kanilang distrito at masaya na kapag lumagpas sa P5 billion naman ang makukuha ng isang senador, pero itong mga gabinete na ito ay P8 billion hanggang P30 billion.

Kaya hindi ko alam kung papaano ilalaglag ang mga senador at mga congressman kung mas malalaki pa ang naisusubi ng mga gabinete na wala namang mga distrito o constituent na masasabi tulad ng mga mambabatas.

Pero dapat magkaisa ang mga Pilipino na panagutin ang lahat ng sangkot sa katiwalian sa gobyerno. ‘Yung mga Duterte na may insertions din, dapat ding panagutin.

101

Related posts

Leave a Comment