BIGTIME DRUG PUSHER NASAKOTE NG PDEA

MAHIGIT P1.36 milyong halaga ng ilegal na droga ang nahuli sa isang pinaniniwalaang bigtime drug pusher sa ikinasang anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa bayan ng Guinobatan, lalawigan ng Albay.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan mula sa PDEA Regional Office 5 (PDEA RO5), sa pangunguna ng Regional Special Enforcement Team (RSET), sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Nagresulta ito sa pagkakaaresto sa isang drug personality at pagkumpiska ng hinihinalang ilegal na droga noong Sabado sa Barangay Quitago, sa bayan ng Guinobatan.

Isinagawa ang operasyon dakong 9:01 ng umaga sa aktibong suporta ng PDEA Albay Provincial Office, PDEA Regional Legal Unit (ROV), Guinobatan Municipal Police Station, at ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5 (RPDEU 5).

Nakumpiska sa operasyon ang hinihinalang ilegal na droga na tinatayang may kabuuang bigat na humigit-kumulang 200 gramo, na nakapaloob sa dalawang nakatali at nakabuhol na transparent plastic sachet na may puting mala-kristal na sangkap.

Ang nakumpiskang ilegal na droga ay tinatayang aabot sa halagang P1.36 milyon.

Ang naarestong suspek na kilala bilang isang high-value target, ay isang 27-taong gulang, walang trabaho at residente ng Taguig City.

Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(JESSE KABEL)

90

Related posts

Leave a Comment