BAGAMA’T wala pang namo-monitor na banta sa seguridad, tuloy-tuloy ang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng Traslacion 2026.
Ayon kay PNP Acting Chief PLt. Gen. Melencio Nartatez Jr., mahigpit ang kanilang monitoring lalo na sa social media upang ma-verify agad ang anomang impormasyong lilitaw.
Nagpaalala rin si Nartatez sa mga deboto na iwasan ang pagsusuot ng hoodies at caps, gayundin ang pagdadala ng paputok at iba pang pyrotechnics, glass water canister, malalaking bag, at mamahaling gamit.
Hinikayat ng PNP ang publiko na manatiling mapagmatyag, alamin ang kanilang paligid, at sumunod sa mga paalala ng awtoridad habang mahigit 18,000 pulis naman ang ide-deploy para sa seguridad ng Traslacion.
Paalala sa mga Deboto
Naglabas din ng serye ng paalala ang pamunuan ng Quiapo Church para sa Kapistahan ng Jesus Nazareno ngayong 2026.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagsampa ng mga deboto sa andas upang makita ang Mahal na Jesus Nazareno. Pinayuhan din ang lahat na huwag magtulakan upang maiwasan ang sakitan.
Inirekomenda ng simbahan ang pagdadala lamang ng kaunting gamit, mas mainam kung transparent bag, upang mapadali ang inspeksyon. Bawal din ang sumbrero, hoodie, payong, at ang pagsalubong sa daloy ng prusisyon na maaaring makasagabal sa ruta.
Pinayuhan ang mga may karamdaman at mga bata na mag-abang na lamang sa gilid ng kalsada para sa kaligtasan. Kung hindi maiiwasang isama ang bata, tiyaking may suot itong ID o tag para sa mabilis na pagkakakilanlan.
Pinaalalahanan din ang mga deboto na huwag kalimutang kumain upang may sapat na lakas sa gitna ng Traslacion. Hindi hinihikayat ang pagdadala ng tumbler; sa halip ay transparent water bottle ang gamitin.
Bagama’t bawal ang pagsampa sa andas, pinapayagan pa rin ang paghahagis ng panyo upang maipunas sa Mahal na Jesus Nazareno, kasabay ng paalala na iwasan ang pag-iwan ng kalat sa buong araw ng kapistahan.
DOH Code White Alert
Samantala, inilagay na sa Code White Alert ang Department of Health (DOH) mula Enero 6 hanggang 10, 2026 bilang paghahanda sa Traslacion na inaasahang dadaluhan ng mahigit 8 milyong deboto.
Magde-deploy ang DOH ng mahigit 200 emergency health personnel sa 20 response stations, habang 20 ospital ang naka-standby.
Pinaalalahanan ni Health Secretary Teodoro Herbosa ang mga deboto na magdala ng sariling gamot, tubig, magsuot ng komportableng damit, may dalang ID, at alamin ang lokasyon ng mga medical station sa mga rutang dadaanan ng prusisyon.
Kasabay nito, magpapatupad ang PNP ng gun ban mula Enero 8 hanggang 10, signal jamming, at no-fly zones bilang bahagi ng mahigpit na seguridad sa selebrasyon.
(TOTO NABAJA/JULIET PACOT)
70 