MGA KAWATAN, GALAMAY NANANATILI SA MARCOS ADMIN

LALONG dapat paigtingin ang pagbabantay sa mga proyekto at programang nakapaloob sa 2026 general appropriations act (GAA) dahil nasa gobyerno pa ang mga kawatan at maging ang kanilang mga kasabwat at galamay.

Noong Lunes, pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang P6.793 trilyong pondo para ngayong taon na ayon kay ML party-list Rep. Leila De Lima ay dapat bantayan ang implementasyon lalo na’t mayroon pa rin aniyang Unprogrammed Appropriations na tinatawag nitong “shadow pork”.

Lumobo rin aniya ang “soft pork” tulad ng mga ayuda program na maaaring magamit sa patronage-politics at higit sa lahat ay wala pang big fish na nakakulong sa anomalya sa flood control projects.

“Nandyan pa sila (mga kawatan) at ang mga kasabwat at galamay nila. So, magbabantay at mag-uusisa tayo,” ani De Lima.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag kasunod ng paghahanda ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon na paganahin ang oversight committee para mabantayan ang mga ahensya sa implementasyon ng mga proyekto ngayong taon.

Layon umano nito na matiyak na hindi manakaw ang pondo ng bayan at masiguro na walang ghost at substandard projects tulad ng nangyari sa mga flood control na sentro ng imbestigasyon ng Kongreso noong nakaraang taon.

Umapela rin si De Lima na agad ipasa ang panukalang “Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act upang mas mapagtagumpayan ang kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno.

“Sa CADENA Law, mula sa pagbuo ng budget hanggang sa implementasyon, kasama natin ang taumbayan na susuri at kukuwestyon sa mga kahina-hinalang alokasyon at transaksyon,” paliwanag ng mambabatas.

(BERNARD TAGUINOD)

43

Related posts

Leave a Comment